Bangkang Papel by Jonas914

VIEWS: 3,431 PAGES: 7

									Bangkang Papel
ni Jewel Justine Talamo IV- Our Lady of Fatima
Magandang panoorin ang karera ng bankang papel. Sayang at hindi kailanman mapalulutang ng batang lalaki sa kwento ang kanyang tatlong bangkang papel.

Nagkakatuwaan ang mga bata sa pagtatampisaw sa baha. Ito ang pinakahihintay nilang araw mula nang magkasunud-sunod ang pag-ulan. Alam nilang kapag ito’y nagpatuloy sa loob ng tatlong araw, ang lansangang patungo sa laruan ay lulubog. At ngayon ay ikalimang araw nang walang tigil ang pag-ulan.

Ilang maliliit na bata ang nagpapalutang ng mga bangkang papel, nariyang tinatangay ng tubig, naroong sinasalpok at inilulubog, nariyang winawasak.

Sa tuwing ako ay nakakakita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang sa tubig kalian man…

Isang batang lalaking nagising isang gabi sa mga dagundong na nakakagulat. Sa loob ng ilang saglit, ang akala niya’y Bagong Taon noon. Gayon ding malalakas na ugong ang natatandaan niyang sumasalubong sa Bagong Taon. Ngunit pagkalipas ng ilan pang saglit, nagunita niya na noon ay walang maiingay na pumapatak mula sa kanilang bubungan. Sa karimla’y pinalaki niya ang dalawa niyang mata. Wala siyang makitang ano man maliban sa isang makitid na silahis. Hindi niya malaman kung alin ang nauna, ang dagundong na biglang pumuno sa bahay o ang biglang pagliwanag. Gulilat siyang nagbalikwas at hinanap ng paningin nag kanyang ina.

Nagsunud-sunod ang tila malalaking batong gumugulong sa kanilang bubungan. Ang paggulong ng mga ito ay sinasaliwan ng pagliliwanag at pagdidilim ng bahay, ng pagliliwanag na muli. Samantala’y patuloy ang pagbuhos ng ulan, sa kanilang bubungan, sa kanilang paligid, sa lahat ng dako.

Muling nahiga ang nagbalikwas na bata at ang tinig niya ay pinapaglagos sa karimlan. “Inay, umuulan, ano?” “Oo, anak, kanina pa,” ang tinig mula sa dulo ng hihigan. “Inay,” ang ulit niya sa karimlan, “dumating nab a ang Tatay?”

Sumagot ang tinig ngunit hindi niya maunawaan. Kayat itinaas niya nang bahagya ang likod at humilig sa kabilang bisig. Sa kanyang tabi’y naroon ang kapatid na si Miling. Sa tabi nito’y nabanaagan niya ang katawan ng ina, at kabila naman nito’y nakita niya ang banig na walang tao.

Ibinaba niya ang likod at iniunat ang kaliwang bisig. Naramdaman niya ang sigid ng lamig sa kanyang buto. Mula sa nababalot na katawan ni Miling ay hinila niya ang kumot at ito’y itinakip sa sariling katawan. Bahagyang gumalaw ang kapatid, pagkatapos ay nagpatuloy sa hindi pagkilos. Naawa siya kay Miling kayat ang kalahati ng kumot ay binalot sa katawan nito at siya’y namaluktot sa nalabing kalahati.

Naramdaman niya ang panunuot ng lamig sa kanyang likod. Inilabas niya ang kanang kamay sa kumot at kinapa ang banig hanggang sa maabot ang sahig.

Anong lamig ng sahig, ang naisip niya, at ang kanang kamay ay dali-daling ipinasok muli sa kumot.

“Inay,” ang tawag niyang muli, “Bakit wala pa ang Tatay? Anong oras na po ba?” “Ewan ko.” Ang sagot ng kanyang ina. “Matulog ka na, anak, at bukas magpapalutang ka ng bangkang ginawa mo, hindi ba?”

Natuwa ang bata sa kanyang narinig. “Magkakarerahan kami ni Miling. Ang aki’y malalaki’t matitibay…hindi masisira ng tubig.”

Dali-dali siyang bumangon at pakapa-kapang sumiksik sa pagitan ng kapatid at ng kanyang ina. Idinaan niya ang kanang kamay sa pagitan ng baywang at bisig ng ina. Nararamdaman niya ang bahagyang pag-angat ng kaliwang bisig nito. Ang kanang kamay noo’y ipinatong sa kanyang ulo at pabulong na nagsalita: “Siya, matulog ka na.” Ngunit ang bata’y hindi makatulog. Mula sa malayo’y naririnig niya ang ungol ng malakas na hangin at ang ulang tangay-tangay nito. “Marahil ay hindi na uuwi ang Tatay ngayong gabi,” ang kanyang nasabi. Naalala niyang may mga gabing hindi umuuwi ang kanyang ama. “Saan natutulog ang Tatay kung hindi siya umuuwi rito?” ang tanong niya sa kanyang ina. Ngunit hindi ito’y sumagot.

Hinawakan niya ang mukha upang alamin kung nakapikit na ang kanyang ina. Ngunit sa karimlan ay hinda niya makita.

Bago siya tuluyang nakalimot, ang kahuli-hulihang larawan sa kanyang balintataw ay ito: tatlong malalaking bangkang papael na inaanod ng baha sa kanilang tapat….

At samantalang pumapailanlang sa kaitaasan ang kahuli-huling pangarap ng batang iyon, ang panahon ay patuloy sa pagmamasungit. Ang munting bahay na pawid ay patuloy na pagliliwanag at pagdidilim, sa pananahimik at pag-uumugong, sa pagbabanta ng walang awang hampas ng hangin at ulan…

Ang kinabukasan ng pagtatampisaw at pagpapaanod ng mga bangkang papel ay dumating…. Ngunit kakaibang kinabukasan.

Pagdilat ng inaantok pang batang lalaki ay nakita niyang nag-iisa siya sa higaan. Naroon ang kumot at unan ni Miling at ng kanyang ina.

Pupungas-pungas siyang bumangon.

Isang kamay ang dumantay sa kanyang balikat at nang magtaas ng paningin ay nakitang niya si Aling Berta, ang kanilang kapitbahay.

Biglang-biglang naparam ang nalalabi pang antok. Gising na gising ang kanyang ulirat.

Naroon ang asawa ni Aling Berta, gayon din sina Mang Pedring, Aling Adang, si Feli, Toyang at si Pepe. Nakita niyang ang kanilang bahay ay halos mapuno ng tao.

Nahihintakutang mga mata ang humanap kay Miling at sa ina. Sa isang sulok, doon nakita ng batang lalaki ang kanyang ina na nakalikmo sa sahig. Sa kanyang kandungan ay nakasubsob si Miling. At ang buhok nito ay walang tigil na hinahaplushaplus ng kanyang ina.

Ang mukha ng kanyang ina ay nakita ng batang higit na pumuti kaysa dati. Ngunit ang mata noo’y hindi pumipikit, nakatingin sa wala.

Patakbo siyang lumapit sa ina at sunod-sunod ang kanyang pagtatanong. “Bakit, Inay, ano ang nangyari? Ano ang nangyari, Inay? Bakit maraming tao rito?”

Ngunit tila hindi siya narinig na kanyang ina Ang mga mata nito ay patuloy sa hindi pagkisap. Ang kamay ntio’y patuloy sa paghaplos sa buhok ni Miling.

Naguguluhang lumapit ang bata kina Mang Pedring at Aling Feli. Ang pag-uusap nila’y biglang natigil nang siya’y makita. Wala siyang narinig kundi… “Labinlimang tao lahat ang namatay…”

Hindi niya naunawaan ang lahat. Ang pagdami ng tao sa kanilang bahay. Ang ayos ng kanyang ina. Ang pag-iyak ni Aling Feli nang siya ay makita. Lumapit siya sa bawat isa. “Bakit po? Ano po iyon?” Sa pagitan ng mga hikbi, siya ay nagpatuloy sa pagtatanong… “Bakit po? Ano po iyon?” Walang sumagot sa kanya. Lahat ng lapitan niya’y nananatiling sara ang labi. Ipinapatong ang kamay sa kanyang balikat o kaya’y hinahaplos ang kanyang buhok at wala na.

Hindi niya matandaan kung gaano katagal bago may nagdatingan pang mga tao.

“Handa na ba kayo?” ang sabi ng isang malakas na tinig. “Ngayon din ay magsialis na kayo. Kayo’y ihahatid ni Kapitan Sidro sa pook na ligtas. Walang maiiwan, isa man. Bago lumubog ang araw, sila’y papasok dito… kayat walang maaaring maiwan.”

Matagal bago naunawaan ng bata kung ano ang nangyari. Sila’y palabas na sa bayan, silang mag-iina, ang lahat ng kanilang kapitbahay, ang maraming tao, ang kani-kanilang balutan…

Sa paulit-ulit na salitaan, sa sali-salinbayang pag-uusap ay nabatid niya ang ilang bagay. Sa labinlimang namatay kagabi ay kabilang ang kanyang ama…sa labas ng bayan…sa sagupaan ng mga kawal at taong-bayan.

Nag-aalinlangan, ang batang lalaki ay lumapit sa kanyang ina na mabibigat ang paa sa paghakbang. “Inay, bakit pinatay ng mga kawal ang Tatay? Bakit? Bakit?”

Ang mata noon na nakatingin sa matigas na lupa sa isang saglit na lumipat sa kanyang mukha. Pagkatapos, sa isang tinig marahang-marahan ay nagsalita: “Iyon din ang nais kong malaman, anak.” Samantala…

Sa bawat hakbang na palayo sa bahay na pawid at sa munting bukid ng kanyang tahanan ay nadadagdagan ang agwat ng ulila sa kanyang kabataan. At ng mga bangkang

papel – ang gabing iyon ang kahuli-hulihan sa kabataang sasansaglit lamang tumagal. Ang araw na humalili’y tigib ng pangamba at ng mga katanungang inihahanap ng tugon. Kaya nga ba’t sa tuwi ako ay makakakita ng bangkang papel ay nagbabalik sa aking gunita ang isang batang lalaki. Isang batang lalaking gumawa ng tatlong malalaking bangkang papel na hindi niya napalutang kalian man…


								
To top