Acrobat PDF

Grandpa's Stories: Glimpses of Ibaan of Long Ago

You must be logged in to download this document
Description

Aureo P. Castro reminisces the memories of his youth as a young boy growing up in a sleepy town in Ibaan, Batangas, Philippines. Written in Tagalog language with Batangas flavor, the book contains anecdotes and stories on the the different aspects of life in the quaint little town where Aureo P. Castro grew up. The author used the story-telling metaphor in delivering his message, taking the imaginary role of a grandfather telling stories about his life to the little children in a pretend-only school. Black and white photographs spice up the flavor of the stories. The title of the book roughly translated to English reads as Grandfather's Stories: Glimpses of Ibaan of Long Ago. Ang Mga Kwento ni Lolo: Balik-tanaw sa Ibaan ng Aming Panahon ay kinapapalooban ng pinagtagpi-tagping larawan tungkol sa ibat-ibang anyo ng buhay sa bayan kong sinilangan noong aking kabataan. Matutunghayan ang mga kwento at kaganapan sa bayan ng Ibaan, lalawigan ng Batangas sa panahon ng 1953 hanggang 1969 kung kailan ay lumalaking paslit pa si Aureo P. castro, ang may akda. Kinapapalooban ng mga kwento at palagay tungkol sa piyesta, mayo, paaralan, baon, pupitre, gupit, litrato, subenir, kaarawan, simbahan, misa, kasuotan, pomada, personalidad, bayan, pagtatanan, pikot, puto, halo-halo, bonete, ugoy, sagimis, tiping, putok, anting-anting, binit, tunay, maynila, pamantasan, pagbabago, bagong anyo, iba, kaisipan, pakikibaka, pagtutol, luma, kaayusan, paniniwala, aureo, castro, aureo p. castro.

Reviews
MGA KWENTO NI LOLO BALIK-TANAW SA IBAAN NG AMING PANAHON AUREO P. CASTRO 1 TUNGKOL SA MGA KWENTO NI LOLO Ang Mga Kwento ni Lolo: Balik-tanaw sa Ibaan ng Aming Panahon ay kinapapalooban ng pinagtagpitagping larawan tungkol sa ibat-ibang anyo ng buhay sa bayan kong sinilangan noong aking kabataan. Maraming taon na ang nakalipas ay naisipan kong isulat ang aking mga ala-ala noong ako ay lumalaking paslit sa bayan ng Ibaan. Ang unang kwento ay nadagdagan ng mga ilan pa hanggang nagkaroon ng sapat na sanaysay upang makabuo ng isang munting aklat. Sa pagtahak ng tao sa masalimuot na landas ng buhay, ang mga ala-ala at guni-guni ng panahong nakalipas ay nagsisilbing sikhay sa pakikihamok sa mga dagok ng tadhana. Harinawa ang mga kwentong ito ay maging daan upang minsan pa ay muling sariwain ang maliligaya ay malulungkot na kaganapan sa inyong buhay. Aureo P. Castro Mandaluyong City, Philippines April 28, 2009 Copyright 2009 Aureo P. Castro 2 NILALAMAN Mga Kwento ni Lolo Balik-Tanaw sa Ibaan Ng Aming Panahon ................................................................. 1 Tungkol sa Mga Kwento ni Lolo ............................................................................................................... 2 Pambungad ............................................................................................................................................. 4 Mga Kunsorte sa Mayuhan ...................................................................................................................... 5 Mga Kuwento ni Lolo: Unang Bahagi ....................................................................................................... 6 Mga Kwento ni Lolo: Ikalawang Bahagi .................................................................................................. 10 Mga Kwento ni Lolo: Huling Yugto ......................................................................................................... 14 Halimbawa ng Gupit Bao o Estilong Turtugo .......................................................................................... 17 Subenir ng Kaarawan ............................................................................................................................. 18 Espesyal Na Leksiyon: Mga Katawagan .................................................................................................. 19 Espesyal na Leksiyon: Mga Awiting Bayan .............................................................................................. 26 Tagpo sa Baysanan ................................................................................................................................ 30 Ay! ........................................................................................................................................................ 31 Ugoy-ugoy At Sagimis, Ayos Na! ............................................................................................................ 32 Pagtatapos sa Mataas na Paaralan: Simula ng Tunay na Paghihiwalay ................................................... 33 Larawan ng Kamusmusan ...................................................................................................................... 34 Paano Gumawa ng Binit......................................................................................................................... 35 Mga Palatandaan ng Isang Tunay na Taga Ibaan .................................................................................... 38 Tayo na sa Maynila ................................................................................................................................ 40 Pahabaan ng Buhok: Simbolo ng Pagtutol sa Makalumang Paniniwala ................................................... 43 Paalam Na Po! ....................................................................................................................................... 44 Ang May-akda ....................................................................................................................................... 45 3 PAMBUNGAD Ang "Mga Kwento ni Lolo" ay kinatatampukan ng mga gunita at ala-ala tungkol sa pang araw-araw na buhay sa bayan ng Ibaan, lalawigan ng Batangas noong kabataan ng may-akda na namuhay sa Ibaan sa pagitan ng taong 1953 hanggang 1969. Ito ay inihahandog sa ala-ala ni G. Gelacio Perea, kilala din sa pangalang "Mamay Gelacio", na nagbigay ng tulong pinansiyal upang makatuntong sa kolehiyo ang mayakda. Si "Mamay Gelacio" ay isang retiradong Amerikanong marino na noong bata pa si Lolo ay nakaugalian na niyang pagtatanungin tungkol sa Amerika at iba't-ibang bansang kanyang napuntahan. Nakagawian na ni "Mamay Gelacio" na manigarilyo sa balkon ng bahay matapos mag-hapunan at sinasamantala ito ni Lolo upang pagtatanungin siya kung ano ang naging buhay niya bilang isang marinong Amerikano. Ang paguusap ng batang mausisa at matandang retirado ay nakintal sa murang isipan ni Lolo at ang senaryong ito ang ginamit ng may-akda upang isalaysay ang iba't -ibang aspeto ng buhay sa Ibaan noong siya ay maliit pa. 4 MGA KUNSORTE SA MAYUHAN Bihis na bihis! Ang magkapatid na ito ay kumonsorte sa prusisyon sa gabi ng katapusan ng pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen tuwing Mayo. Nasa likod ang altar ng tuklong kung saan ang mga bata ay nag-aalay. 5 MGA KUWENTO NI LOLO: UNANG BAHAGI O mga bata, narito na si Lolo para kwentuhan kayo ng buhay sa ating bayan ng Ibaan noon siya ay bata pa. Pag uwi ninyo sa bahay ay itanong sa inay, tatay, lola, o lolo kung sino at ano ang mga pinagusapan natin dito para madagdagan pa ang inyong kaalaman, ha? Handa na baga kayo? O, sige. Alam ninyo, noong panahon namin ay napaka simple lamang ng buhay. Walang gaanong mga makabagong kagamitan tulad ng mga nakikita natin sa ngayon. Ang matrikula namin sa paaralan ay halagang isang piso at limampung sentimos lamang at para sa buong taon na iyon. May dalawang uri tayo ng mag-aaral sa mababang paaralan: iyong tinatatawag nating taga-bayan at ang isa naman ay iyong tinatawag nating taga-bukid. Ang taga-bayan ay sa Poblacion nakatira at ang tagabukid naman ay sa baryo naninirahan. Ang mga taga bayan ay karaniwang pumapasok na may tsinelas na goma samantalang ang mga taga-bukid ay "tapak" o walang tsinelas kung pumasok. Ang mga tagabayan ay umuuwi sa tanghali upang kumain samantalang ang mga taga-bukid ay may dalang baon at sa paaralan kumakain. Ang tawag sa kanilang baong pagkain ay "binalot". Ang "binalot" ay kanin at piniritong isda o itlog na binalot sa sariwang dahon ng saging na kung tawagin ay "inalab" o pinainitan sa apoy. Dahil dito ay nagiging mabango ang kanin at napakasarap kainin. Ang aming upuan sa paaralan ay iyong tinatawag na "pupitre", dalawang bata ang nakaupo sa bawat "pupitre". Ang mga bata ay hinahati sa ilang pangkat upang maglinis ng silid-aralan. Kami ay gumagamit ng dahon ng "sunflower" upang pakintabin ang sahig ng aming silid-aralan. Kapag malapit nang matapos ang taon, ang mga "pupitre" ay aming dinadala sa ilog upang linisin sa pamamagitan ng paghagod dito ng buhangin o dahon ng halamang "asis", isang ligaw na halaman na may magaspang na dahon. Noong batang mag-aaral si Lolo ay panahon ng sobrang produksiyon ng harina at gatas sa Amerika at ito ay ipinamamahagi sa mga bata sa paaralan. Ang "balisuksok" ay ang papel na inirorolyo upang maging korteng tatsulok na nilalagyan ng gatas na "powder". Ito ay binubutasan sa dulo at mula doon ay untiunting kinakain ang gatas. Ang harina ay ginagawang tinapay ng mga panaderiya at ipinamamahagi sa mga bata. Sa mataas na paaralan, ito ay ginagawang "polboron" at ipinagbibili upang makaipon ng pera para sa "excursion" o iba pang pagtitipon. Ano baga itong tinatawag na "bating"? Ang "bating" ay isang uri ng laro kung saan ang mga bata ay kapit-kamay na tumatakbo at hinuhuli ang ibang bata. Ang "luksong-tinik" naman ay ang pagtalon sa itaas ng patong-patong na mga kamay ng dalawang bata na siyang "taya". Para makapaglaro ng "sipa", namimitas kami ng malalking dahon ng ligaw na damo at ito ay tinatalian ng goma o "lastiko" kung aming tawagin. Ano naman ang "ihip"? Bago kami maglaro ng "ihip" ay ibinababad muna sa gas (kerosene) ang lastiko sa loob ng ilang araw upang ito ay kumapal. Ang taya dito ay ilang bilang ng lastiko kung ano ang mapagusapan. Kung sinong maunang makapatong sa lastiko ng kalaban sa pamamagitan ng pag-ihip dito ay siyang mananalo. Ang bawat bata ay may kanya-kanyang pamamaraan at estilo ng pag-ihip. 6 Noong panahon na iyon, ang bata ay magsisimula sa unang baitang sa gusali sa bahaging timog ng paaralan. Pagtuntong niya sa ikatlong baitang ay lilipat siya sa gusali sa bandang kanluran at sa ika-apat na baitang naman ay lilipat siya sa tinatawag na gusaling Gabaldon. Ang ikalima at ikaanim na baitang ay gugugulin sa bagong gusali na may dalawang palapag. Ang palatuntunan ng pagtatapos (graduation) ay ginaganap sa entablado sa gawing malapit sa ilog na pinapalamutihan ng magagandang ligaw na halaman at katatampukan ng awit pagtatapos na ginagampanan ng lahat ng mga nagsisipagtapos. Isang bakod na alambre ay itinatayo sa paligid ng entablado at ang mga magsisipagtapos ay nagdadala ng upuan para sa kanilang magulang. Ang panahon ng kabataan ni Lolo ay panahon ng kahirapan at kami ay salat sa mga bagay na sa ngayon ay itinuturing na payak na pangangailangan. Ganumpaman, ito ay napakasayang yugto sa aming henerasyon at kailanman ay hindi namin malilimutan. May mga lumang damit na galing sa Amerika na ipinamamahagi sa pamamagitan ng simbahan. Tuwing kami ay papasok sa klaseng katekismo, kami ay binibigyan ng tiket na may kaukulang puntos. Kapag nakaipon ka ng maraming tiket ay maaari mo itong ipagpalit ng mga lumang damit na ginamit na ng mayayamang bata sa Amerika. Tuwing Linggo ay nagpupunta kami sa simbahan upang makinig ng misa. Ang misa noon ay ipinagdiriwang sa salitang Latin at ang sermon lamang ang bahaging ginagamitan ng salitang Pilipino. Si Lolo ay nagkapalad na maging sakristan sa pagmimisa ni Padre Guido Colleti. Pagkatapos ng misa ay pinagaagawan ng mga sakristan ang natirang alak na "Mompo" na napakatamis at masarap. Isinusuot namin ang aming pinakamagandang damit sa pagsimba at gumagamit kami ng pomada upang mapanatiling nakatayo ang buhok. Ang amin namang pantalon ay matigas at matulis ang piston dahil ito ay ginagamitan ng "gawgaw" kapag nilalabhan. Dito sa simbahan namin napapagmasdan kahit saglit lamang ang magagandang batang babae na aming napupusuan, ngunit kami ay hanggang sa tingin na lamang. Malaki na ang ipinagbago ng pisikal na anyo ng bayan ng Ibaan kung ihahambing sa noong panahon ng kabataan ni Lolo. Ang pangkaraniwang bahay noon ay yari sa kahoy at ang sahig ay putol-putol na kawayan. Ang kisame ay yari sa sawali, hinabing dingding buhat sa maninipis na tabas ng kawayan. Ang hapag kainan ay mahabang mesa na may "plastic" na "mantel" at bawat bahay ay may banggerahan o hugasan at tauban ng mga gamit sa pagkain. Ang tubig na inumin ay nakalagay sa isang tapayan na may maliit na gripo sa bandang ibaba. Ang palikuran ay iyong tinatawag na estilong Antipolo at bawat bahay ay may "batalan", bahagi ng bahay na nagsisilbing hugasan o linisan ng kagamitan na ginagamitan ng tubig. Ang "balkon" ay bahagi ng bahay na matutunghayan pagka-akyat ng hagdanan. Sa likod naman ng bahay ay may hagdang kawayan na kaagapay ng "batalan". Ang ibaba ng bahay ay tinatawag na "silong" at dito natutulog ang mga alagang hayop ng pamilya tulad ng baka, kambing, aso, at iba pa. Itinuturing namin na kami ay mapalad sapagkat kinamulatan na namin ay pagkakaroon ng ilaw dagitab o ilaw na pinatatakbo ng kuryente. Sa panahong iyon ay bihirang bayan pa ang mayroong lakas kuryente o "electric power". Dahil kakaunti pa lamang ang gumagamit ng tubig, ang tubig sa gripo ay malakas at ang mga bahay ay gumagamit ng "dutsa" o "shower" sa paliligo. 7 Ang mga mahalagang lansangan ay yari sa aspalto ngunit ang mga maliliit na kalye ay nilatagan lamang ng mga bato upang hindi magputik. Hindi naman kailangan ng magagandang lansangan dahil bihirang bihira lamang ang may sariling sasakyan. Ang pailan-ilan na sasakyan ay ang "jeep" na iniwan ng mga Amerikano pagkatapos ng digmaan laban sa Hapon. Ang madalas na ginagamit noon ay ang bisekleta. Ang mga bahay ay wala pang numero katulad ngayon dahil halos lahat ng tao ay kilala ng kartero at hindi na kailangan ang numero sa bahay. Sa araw, kami ay umaalis ng bahay upang makipaglaro sa ibang mga bata. Pag wala kami sa bahay, ang tawag dito ng magulang namin ay kami daw ay nasa "layasan". Ang mga laro namin noon ay simple lamang: "bahay-bahayan", "holen", "turumpo" (tops), "taguan", "hulihan", "tubigan" o "patintero", barilbarilan, at titser-titseran. Ang matatawag naming barkada noon ay ang "kampo-kampo". Gumagawa kami ng bahay-bahayan na yari sa kawayan at dahon ng "cogon" at dito kami nag-iistambay at ang ibang pangkat naman ng mga bata ay ganoon din. Minsan ay nagkakainggitan na humahantong sa away at siraan ng kampo. Pagdating ng buwan ng Mayo ay nagiging abala ang mga bata. Sa bandang hapon ay nagsisimula na kaming mamitas ng bulaklak na iniaalay kung gabi sa Birheng Maria. Ang pag-aalay at pagsasabog ng bulaklak ay ginaganap sa "tuklong", isang uri ng maliit na kapilya na itinatayo tuwing taon sa pagtutulungan ng aming mga magulang. Bago magsimula ang pagdadasal ay naglalaro muna ang mga bata ng "taguan" o di kaya'y "habulan". Sa matinding pagod ay nakakatulog kami habang ang mga matatanda ay nagdarasal. Magigising na lamang kami kung inaawit na ang awit ng pag-aalay. Ang mga dasal at awit ay magkahalong Tagalog at Kastila at ang awit ay sinasaliwan ng aming gitarista na si Bibing Patena. Pagkatapos ng pag-aalay ay namamahagi ng kendi na inihahanda ng magulang ng tagapagtaguyod ng dasal para sa gabing iyon. Ang tawag dito ay "hermano" o "hermana". Ang listahan ng mga nagtataguyod ng dasal para sa buong buwan ay inihahanda ng isang "kapitana" at "bise-kapitana" sa tulong ng "kapitan" at "bise-kapitan", mga kabataang nahalal upang mamahala sa mga gawaing may kinalaman sa pag-aalay sa Mahal na Birhen. Ang katapusan ng pag-aalay ay kinatatampukan ng isang piyesta, kung saan ang bawat bahay ay naghahanda ng pagkain para sa mga bisitang dumarating. Masaya ang araw na ito dahil may mga palaro at may mga tugtugin at awiting nagbubuhat sa "loud speaker". Sa gabi ay may prusisyon na kinatatampukan ng mga piling batang kababihan at kalalakihan na nagsusuot ng magagandang damit. Dito ay itinatampok ang pinakamagagandang kababaihan sa aming lugar na tinatanglawan naman ng liwanag ng ilawang "Coleman". Sa sidhi ng paghanga sa kagandahan ng mga dilag ay hindi mo maiaalis ang pagnanasang makausap man lamang o mapalapit sa magagandang binibini. Kapansin-pansin na panay ang titig ni Lolo sa dilag na kanyang napupusuan. Ang buwan ng Mayo ay tunay na napakasayang buwan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Sa pagdating ng katapusan ng buwan, ang mga bata ay nalulungkot dahil tapos na ang maliligayang araw. Sa susunod na buwan ng Hunyo ay pasukan na naman. 8 O sige at nakakatulog na yata kayo sa pakikinig kay Lolo. Sa susunod nating pagkikita ay marami pa tayong pag-uusapan tungkol sa matagal nang panahon, noong kabataan ni Lolo sa bayan ng Ibaan. Babalik kayo, ha? 9 MGA KWENTO NI LOLO: IKALAWANG BAHAGI Mga bata, narito na naman ang inyong Lolo upang magkwento tungkol sa bayan nating Ibaan noong bata pa si Lolo. Makinig kayong mabuti upang maunawaan nang lubos ang kwento at makapulot kayo ng aral na maaring ninyong gamiting gabay sa inyong buhay kapag kayo naman ang nagsitanda. Nabanggit ko na nang huli tayong magkita na kakaunti pa lamang noon ang tao sa bayan ng Ibaan kung kaya ang bawat isa ay nakikilala halos ang lahat ng ibang tao dito sa bayan. Mula sa iyong hardin o balkonahe ay nakikita mo ang mga taong nagdaraan. Kaugalian ng magulang namin noon na batiin ang mga nagdadaan at yayain ang mga ito para makipag "huntahan". Sa "huntahan" ay napapagusapan ang mg mga maiinit na balita tungkol sa mga kaganapan sa bayan. May iba-bang paksang sumusulpot sa "huntahan" gaya ng mga mag-asawang naghihiwalay o nag-aaway, tungkol sa mga anak na nagbibigay suliranin sa magulang, sino na baga ang namatay, nagkasakit, nanganak o ikinasal. Kasama na rito kung sino ang pinakahuling "nagtanan". Ang "pagtatanan" ay ang pagsama ng isang dalaga sa lalaking kanyang minamahal na hindi gusto ng mga magulang ng dalaga na maging asawa ng kanilang anak. Tunay na isang mainit na paksa ng "huntahan" ang tungkol sa mga bawal na pag-iibigan. Nariyan ang kwento tungkol sa isang maganda at mayamang dalaga na mistulang naging baliw dahil sa pagtutol ng magulang sa lalaking kanyang nagustuhan. Naging saksi si Lolo sa isang makabagbag-damdaming kasal sa simbahan na kung saan diumano ang binata ay "napikot" lamang at labag sa kanyang kalooban ang magpakasal sa dalagang ito sa kanyang tabi. Ang kasintahan naman ng binata ay walang tigil sa pag-iyak dahil sa kinahinatnan ng kanilang nabigong pagibig. Sa panahon ng kabataan ni Lolo ay labis na pinahahalagahan ang malinis at maayos na pamumuhay na siyang basehan ng pagtanggap sa isang pamilya bilang kasapi ng pamayanan. Sa ganitong katayuan ay lubhang pinapahalagahan ang "hiya" o iyong tinatawag na "amor propio" sa salitang Kastila. May kasabihan na para sa Batangueno, mamatay na lamang huwag lamang mapapahiya. Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga insidente ng "pamimikot". Kinakailangan lamang na may makahuli sa isang binata at dalaga sa magkayakap o sa posisyong hindi maipaliwanag at kumalat ang balita sa buong bayan. Ito ang magiging sanhi upang hilingin ng magulang ng dalaga sa magulang ng binata na panagutan nito ang kaniyang kapangahasan. Sa lahat ng pamayanan tulad ng Ibaan, ang mga taong nainirahan dito ang siyang nagbibigay kulay sa pangaraw-araw na buhay. Sa pamayanang Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo ay may mga taong kilalang-kilala sa bayan. Pangunahin dito ay ang mga namumuno sa bayan tulad ng punong-bayan at ang kura (pari) sa simbahan. Ngunit mayroon ding mga karaniwang mamamayan na dahil sa kanilang hanapbuhay o pagiging lagalag ay palaging naroon kung saan may aksiyon. Ang mga ito ay maari nating tawaging "personalidad" ng bayan. Sinu-sino kaya ang mga tinutukoy ng Lolo? Si "Iga" (utal na pagsabi ng salitang "siga") ay Anastacio ang tunay na pangalan. Siya ay hindi diretso kung magsalita at makikita mo sa halos lahat ng pagdiriwang tulad ng binyagan, kasalan, may namatay, at iba pa. Hindi pa uso ang palamigang de-kuryente noong bata pa si Lolo. Kung gusto mong makainom 10 ng malamig na tubig ay bibili ka ng yelo kay "Ka Ute", doon sa malapit sa bahay ng "Poong Senyor", ang patay na Jesus na nakaratay. (Ssshh, mga bata, sa atin-atin lamang ito, ha? Dito sa bahay ng "Poong Senyor"ay nanirahan ang isa sa mga pinaka-magagandang dilag ng bayan. Ang pangalan niya ay Leonor Gonzales.) At kung talino naman ang pag-uusapan, dito rin tumira ang batang henyong hinangaan ni Lolo, si Efren Gonzales, kapatid ng Leonor. Sa mga panahon ng tag-init ay tunay na napakasarap na uminom ng malamig na tubig. Ang yelo ay naging isa sa mga mahahalagang bahagi ng buhay noong kami ay mga bata pa. Si Lolo ay malimit masugo (mautusan) ng kanyang inay na bumili ng yelo kay "Ka Ute". Sa pagbili mo ng yelo ay madadaanan mo ang bahay ng "Ka Tarse" na dati yatang magpuputo na siya namang ina ni Ganda na asawa naman ni Talino. Si Ganda ay di-umano ay may di kagandahang reputasyon at si Talino naman ay masipag at matiyaga at maaasahan sa paglilinis ng bakuran. Kung tag-init pa rin at ikaw ay nagugutom o nauuhaw, pumunta ka na lamang sa palengke at sa halagang singko sentimos ay makakabili ka ng "palamig", pinaghalong gulaman, sirup, sago, at tubig. Kung nagkataong Sabado at mas marami sa singko sentimos ang iyong pera sa bulsa ay sa bandang loob ka ng palengke pupunta at ikaw ay bibili ng tanyag na "halu-halo" ng "Nanay Angge", halaga: sampung sentimos. Si "Ka Pedro" At "Ka Ute" ay parehong may kariton na ginagamit sa pagtitinda ng sorbetes. Sa halagang singko sentimos ay makakabili ka na ng sorbetes kay "Ka Pedro" o kaya ay kay "Ka Ute". Ang paborito ni Lolo ay iyong sorbetes na naka-paloob sa tinapay. Ang kililing ng sorbetes ni "Ka Pedro" at "Ka Ute" ay karaniwang tunog na naririnig noong panahong bata pa si Lolo. Kung puto naman ang kinahiligan ng iyong dila ay dapat na bantayan mo ang pagdaan ni "Ka Lourdes" na siyang nagrarasyon ng puto sa bayan noon. Huwag lamang kalilimutan na palagyan ng kinayod na niyog ang puto upang ito ay maging mas masarap. Upang mabawasan ang talamak na paglalayas ng mga bata ay may ginagamit na panakot ang aming mga magulang noon. Kapag ikaw ay "masutil" o ayaw makinig sa magulang, ikaw ay tatakutin ng magulang mo na ibibigay na sa mga nakakatakot na tao tulad ng sumusunod. Si "Ka Balar" ay hindi naman nananakit ng ibang tao ngunit kapag medyo naparami ang nainom na alak ay nagtatalumpati nang pasigaw, dahilang siya ay katakutan ng mga bata noon. Si "Ka Danoy" naman ay tila baga nahaling sa pagsusundalo at ito ay naglilibot na nakasuot ng uniporme ng sundalo at kuntodo naka-helmet pa. Pag dumaan na si "Ka Danoy" ay pulagasan na ang mga bata sa pagtatago. Ang isa pang panakot ng magulang ay ikaw daw ay dadalhin sa "Lolomboy", isang tila baga bahay-ampunan na pinagdadalhan sa mga masusutil na bata. Isa sa pinaka ayaw naming gawin noon ay ang magpagupit ng buhok. Si "Ka Bidong" o kaya ay kay "Ka Felino" ang mga pinakaunang barbero na kinamulatan namin noon, ngunit nang maglaon ay pwede ka na ring magpagupit kay "Ka Leon", mas bata kaysa kay "Ka Bidong" at "Ka Felino". Bakit kaya ayaw ng mga batang magpagupit ng buhok noon? Ito ay dahil sa ang gupit na ginagawa noon ay ang tinatawag na gupit na "turtugo" o iyong tinatawag na "gupit-bao". Sa ganitong estilo ng pagugupit, may natitira lamang na kaunting buhok sa harapan at ang palibot ng ulo ay aahitin sa pamamgitan ng labaha. Ito ay masakit na pamamaraan kung kaya minsan ay nagkaka-habulan muna bago magupitan ang isang batang lalaki. 11 Isa pa ring palaging laman ng bayan ay si "Ka Baste" na malimit (madalas) ay naglilibot upang mangulekta ng taya sa loteriya. Siya ay matandang tomboy na laging naka-bestida, malagong ang boses, at laging nakatawa. Si "Mamay Gelacio" ay isang retiradong marinong Amerikano na umuwi na sa Ibaan upang dito manirahan. Siya ay may puting buhok at laging nasa bayan upang manood ng mahjong o larong "billard". Hindi naman siya nakikipaglaro kundi nanonood lamang. 29/31 ang paboritong numero niya sa "jueteng". Masakit ang ngipin o kaya ay natinik ng isda ang lalamunan? Walang problema, sunduin lamang ang isa sa kambal na si "Ka Ambo" o si "Ka Peding". Ang tinik ay kaniyang hahagurin hanggang sa mawala at tungkol sa sakit ng ngipin, ang problemang ngipin ay kanyang kakantiin ng isang pako at pagkatapos ito ay ipapako sa isang haligi ng bahay. Presto, makakatulog na ang bata at wala na ang sakit ng ngipin. Ang araw ng Sabado ay tinatawag na araw ng "baraka" o araw ng palengke. Sa araw na ito ay mas marami ang nagtitinda ng mga gulayin, prutas, isda, at karne sa palengke. Si Lolo ay tumutulong sa kanyang ina sa pagbubuhat ng basket na nilalagyan ng pinamalengke. Di nakakilimutan ng inay ni Lolo na bumili ng nilagang mani at kung magkaminsan ay ng "pinindot", giniling na malagkit na binilog sa sabaw ng gata ng niyog. Ang palengke ay buhay na buhay kung araw ng Sabado at dito ay maririnig mo ang kani-kaniyang "gimmick" ng mga tindera o tindero. Isinisigaw nila ang presyo ng kanilang ipinagbibili at ang kanilang "promotion" na di kaya ay dagdag sa dami ng bininbili o bawas sa presyo. Tuwing Sabado rin ay matutunghayan ang dayong maglalako ng mga gamot sa pangkaraniwang sakit tulad ng ubo, hika, sakit ng kalamnan, TB, at iba pa. Ang mga ito kadalasan ay may dala-dalang buhay na ahas na ginagamit na pang-engganyo sa mga tao. Pag bumuli ka ng gamot, ikaw ay bibigyan ng isang maliit na pirasong kahoy na diumano ay mula sa kahoy ng sinukuan at magaling na panlaban sa mababangis na hayop at may birtud din na maaring gamiting panggayuma sa mailap na dalaga. Ang estilo ng pagluluto ng gulay noon ay ang tinatawag na "bulanglang" na kung saan ay hinahaluan ito ng sabaw ng pinaghugasan sa bigas. Ang lutong "adobo" naman ay hiahaluan ng katas ng buto ng asuwete na siyang nagbibigay ng kakaibang sarap at kulay. Isang kaugalian din noon ang pagbibigay ng sobrang nilutong pagkain sa aming "kahanggan" o kapitbahay. Pag sinabing ikaw ay nangangahanggan, ang ibig sabihin ay ikaw ay nakikipag "huntahan" (kwentuhan) sa iyong kapitbahay. Kung magkakaroon ang pamilya ng importanteng okasyon, ito ay kinakailangang makuhanan ng larawan at ang nag-iisang litratista ng bayan noong aming kabataan ay si "Ka Adis", tatay ni Benny at Anie Perez (isa pang magandang binibini noong kabataan ni Lolo). Ang mga litrato naim noon ay kulay itim at puti dahil hindi pa uso ang larawan na may kulay. Di naglaon ay naging litratista din si Dante Semira noong si Lolo ay nasa haiskul na. Noon ay litratista lamang ang may kamera at walang nakakabili ng kamera na gagamitin mong pansarili lamang dahil ito ay napakamahal. Ang isang kagimbal-gimbal na pangyayari noong kabataan ni Lolo ay ang pagpanaw ng "Mamay Isyo", tatay nina "Ka Oscar", "Ka Enie", Owel, Jun, at Yolly Patena sa isang lugar sa Maynila. Ang pangyayaring ito ay ipinahayag ng walang iba kundi ang bantog na "announcer" na si Johnny De Leon sa kanyang programang "Lundagin Mo Baby". Malungkot ngunit nagkaroon ng ilang kakatwang pagkakamali sapagkat ang ipinahayag na pangalan ng namatay ni Johnny De Leon ay ang pangalan ni "Ka Inggo 12 Mercado", tatay ni Erie Mercado, na nang pagkakataong iyon ay buhay na buhay at abala sa kaniyang mga gawain sa bahay. Ang nagyari pala diumano ay dala-dala ng "Mamay Isyo" ang "pass" ni "Ka Inggo" sa "Batangas Tayabas Bus Co." (BTCO) upang ipabago sa tanggapan sa Maynila at ito ang ginamit ng mga awtoridad sa Maynila upang kilalanin ang namatay na si "Mamay Isyo". O sige, kapos na naman tayo sa oras kaya ito nang muli ang inyong Lolo na umaasa na sana ay may napulot kayo kahit kaunting kaalaman tungkol sa buhay sa Ibaan noong kabataan pa ni Lolo. Hanggang sa muli nating pagkikita. Paalam na sa inyong lahat. 13 MGA KWENTO NI LOLO: HULING YUGTO O mga bata, narito na naman ang inyong paboritong Lolo upang kwentuhan kayo tugkol sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Ito na ang huli nating leksiyon kaya makinig kayong mabuti. Sa mga una nating pag-uusap ay tinalakay natin ang anyong pisikal ng bayan ng Ibaan noon, ang mga bagay-bagay tungkol sa pag-aaral ng mga bata, ang mga ginagawa ng mga bata noon, ang mga tanyag na personalidad sa bayan, at ang mga matandang katagang ginagamit sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Sa leksiyong ito ay wala tayong partikular na pagtutuunan ng pansin kung kaya samut-sari ang paksang ating pag-uusapan. Handa na baga kayo? O sige. Bago ang lahat ay idagdag natin sa ating listahan ng mga lumang katagang dating ginagamit sa Ibaan noong panahon ng kabataan ni Lolo. Haribo Walang habas na pananaga ng gulok o bagay na nakakasakit. Pagat Paghabol sa isang tumatakbo. Wasiwas Walang direksiyon na paghampas sa pamamagitan ng isang bagay na nakakasakit. Mga bata, kayo baga ay mahilig mag-bulakbol o hindi pumasok sa paaralan at maglakwatsa na lamang kung saan-saan? Huwag ninyong gagawin ito dahil baka kayo ay mapagaya (mahalintulad) sa isang kamag-aaral ni Lolo noong siya ay nasa ikalawang baitang sa mababang paaalan. Itong si Rolando Serna ay sa halip na pumasok sa silid-aralan ay naligo na lamang sa ilog. Nalaman ito ng magulang kayat dalidaling nagpunta sa paaralan ang kanyang ina. Sa galit ng ina ay kinuha niya ang damit ni Rolando at iniuwi sa bahay. Paano nakauwi ang kawawang Rolando Serna? Hubot-hubat at takip-takip ang kanyang pag-aari, si Rolando ay sa likod ng paaralan nagdaan at namaybay na lamang sa ilog kung saan walang gaanong makakakita sa kanya. Mga bata, kayo baga ay mahilig kumain ng singkamas? Alam ninyo noong bata pa si Lolo ay pag nagugutom ang mga bata ay pumupunta kami sa mga magubat na lugar upang maghanap ng kung tawagin namin ay singkamas-basahan. Ito ay aming hinuhukay sa mga masusukal na bahagi ng mga lupang hindi sinasaka. Di-hamak na mas malalaki ito kung ihahambing sa ordinaryong singkamas at ang lasa nito ay kakaiba at mas matapang kaysa ordinaryong singkamas. Kilala baga ninyo ang naging Presidente ng Senado ng Republika ng Pilipinas na si Senador Ernesto Maceda? Alam baga ninyo na si Senador Maceda ay nag-aral sa ating Mababang Paaralan ng Ibaan? Hindi kayo naniniwala? O sige, sabihin sa magulang ninyo na maghanap ng mga artikulo tungkol sa Ibaan 14 sa "Internet". Doon ay makikita ninyo ang "bio-data" ng ating Senador Ernesto Maceda at doon ay matutunghayan na siya ay talagang nag-aral sa ating "Ibaan Central School" noong siya ay bata pa. Kayo baga ay naniniwala sa anting-anting? Alam ninyo noong panahon ni Lolo ay marami pa ring tao sa Ibaan ang may sampalataya at naniniwala sa anting-anting. Ito ay naging lalong masidhi nang mapadpad sa ating bayan si "Ka Enteng Bingi", na nagtayo ng maliit na opisina doon sa tabi ng "studio"ng litratistang si "Mamay Adis". Sa kaunting halaga ay maari kang magpagawa kay "Ka Enteng Bingi" ng "talisman" na may espesyal na "birtud" o "galing". Ang mga halimbawa ay talisman upang maligtas ka sa panaganib o kaya nama'y para mapaibig mo ang babaing iyong napupusuan. Meron ding tinatawag na "galing" sa hanapbuhay o sa pag-aaral. Kasama ng talisman ay bibigyan ka ng mga dasal sa salitang "Latin" na hindi mo naiiintindihan at ito ay dadasalin mo ilang beses isang araw. Ang "mutya" ay isang uri ng "talisman" na kinapapalooban ng isang "buhay" na bagay (lumalaki daw) na mas matindi ang "birtud" kaysa ordinaryong "talisman". Si "Ka Enteng Bingi" ay maari mo ring hingan ng payo tungkol sa mga pangaraw-araw na problema sa buhay tulad ng problemang anak, asawa, o magulang. (Napagusapan na rin lamang ang paksang "dayo sa Ibaan" ay babanggitin na rito ni Lolo ang pagdating sa ating bayan ng isang napakagandang dilag. Ang pangalan niya ay Celeste Ruffy. Ito ay nang nag-aaral si Lolo sa St. James Academy. Siya ay huli ng isang taon kay Lolo at hindi malimutan ni Lolo nang siya ay kamayan ng dilag na ito nang gabi ng palatuntunan ng pagtatapos sa mataas na paaralan taong 1969. At habang nasa paksa na rin lamang tayo ng kagandahan ay banggitin na rin natin ang dalawang mutya ng kagandahan sa Ibaan noong kabataan ni Lolo: ang magkapatid na Ethel at Olivia Reyes na mga anak ng Amparing na taga riyan laang sa Alicague.) Ang pagtatapos sa mataas na paaralan noong panahon ni Lolo sa bayan ng Ibaan ay isang napahalagang yugto sa buhay namin noon dahil ito na ang panahon ng tunay na paghihiwalay. Ang iba ay magpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo sa Batangas City at ang iba naman ay magtutungo na sa Maynila upang doon magpatuloy ng kaniyang napiling kurso. Ito na ang pagsisimula ng pagkakawatak-watak ng pagkakaibigan. Dito na nagsisimula ang pagkalayo ng damdamin para sa kanyang bayang sinilangan. Si Lolo ay nagkapalad na makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas una sa Maynila at nang maglaon ay sa Diliman, Quezon City. Sa pagtuntong ni Lolo sa lupa ng pamantasan ay naging bagong tao na si Lolo. Sa loob ng pamantasan ay minasahe ang utak ni Lolo at dito niya nakita ang iba-ibang uri ng takbo ng kaisipan ng tao. Si Lolo ay na-"exposed" sa iba't-ibang pananaw at paniniwala tulad ng ideyang kanluranin at mga teoryang sosyal at politikal. Ang tungkol sa Ibaan ay naging isa na lamang "matter of minor academic interest" para kay Lolo. Habang nasa pamantasan ay napasama din si Lolo sa mga kilusang maka-kaliwa, katulad din ng ating kababayan na si Jimmy Perez na noon ay sa Unibersidad ng Pilipinas din nag-aaral. Dito nakilala ni Lolo si Medardo Arce, ang bantog na pulahang mandirigma kung kanino ipinangalan ang isang pwersa ng "New Peoples Army" sa katimugan ng Pilipinas, ang "Medardo Arce Command". Kilala baga ninyo si Heber Bartolome, ang naging tanyag na mang-aawit ng mga "mulat" na awitin ("Tayo'y mga Pinoy, tayo'y hindi kano, Huwag kang mahihiya kung ilong mo ay pango."). Naging kasama sa dormitoryo ni Lolo si Heber noong sila ay mga mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Heber noon ay 15 wala nang ginawa kundi kumanta at mag-gitara habang nasa dormitoryo. Eh si dating Solicitor Frank Chavez, kilala din kaya ninyo? Inabutan din ni Lolo si Frank Chavez na residente rin sa dormitoryong "Narra" sa Unibersidad ng Pilipinas noong nag-aaral pa si Lolo dito. Noon ay nagrerepaso si Frank para sa "board examination" ng abugasya. Siya ang "tagapagtanggol" ng mga estudyanteng nagsasagawa ng "teach-in" o pagpapahayag ng mga maka-kaliwang simulain. Sa larangan naman ng kagandahan ay nagkapalad din si Lolo na maging kamag-aaral ang tanyag na dating "beauty queen" na si Nelia Sancho. Si Lolo at si Nelia ay parehong naging kasapi ng "UP Journalism Club". Marahil ay marami sa inyo ang nagtataka kung bakit baga itong si Lolo ay sumusulat ng mga artikulo tungkol sa nakalipas na panahon sa Ibaan na wala namang taong interesado sa kanyang mga sinusulat? Gusto lamang kayang magpasikat ni Lolo sa kanyang nga dating kaibigan o kasamahan? O meron kayang tunay na dakilang layunin si Lolo sa pagsulat ng mga artikulong ito? Ang sagot ni Lolo dito ay bayaan (hayaan) na lamang nating kasaysayan ang magpasiya kung ang mga impormasyong ibinigay ni Lolo ay magkakaroon ng kabuluhan o hindi sa mga susunod pang henerasyon sa bayan ng Ibaan. Alam ninyo, matuling tumatakbo ang panahon at sa malao't madali ay mamamatay din si Lolo. Sa isip ni Lolo ay isa sa mga magagandang maipapamana niya sa sa mga susunod na henerasyon ng Ibaan ay makapaglagak ng isang permanenteng tala ng ilang bagay tungkol sa panahong nakalipas na maaring magkaroon ng katuturan (halaga) sa kanila. Maaring hindi eksakto o may ilang maliliit na pagkakamali sa laman ng artikulo ni Lolo ngunit ang mahalaga ay mayroong mababasa ang mga susunod na henerasyon kahit matagal nang namayapa si Lolo. Ang buhay ni Lolo ay kinapapalooban ng tagpi-tagping yugto ng tagumpay at pagkabigo kung saan sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nangingibabaw pa rin ang pwersa ng kabiguan. Ngunit ito ay hindi dapat maging hadlang upang si Lolo ay makapag-ambag kahit sa maliit na paraan sa kaunlaran ng ating bayan. Matagal nang nalayo si Lolo sa munting bayang kanyang tiububuan ngunit ang ala-ala ng mga maliligayang araw ng kanyang kabataan ay nanatiling sariwa sa kanyang diwa't kaisipan. Di kaila sa inyo ay mayroon nang bahay-gagamba ("web site") ang Ibaan sa Internet at ito ang ginagamit ni Lolo upang ipahatid at maitala ang ilang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng bayan ng Ibaan. Dapat nating suportahan ang proyektong ito dahil ito ay nagbibigay daan upang makapag-ugnayan ang iba't-ibang sektor ng lipunan ng bayan ng Ibaan. Pag uwi ninyo sa bahay ay kulitin ninyo ang inyong mga magulang upang sila ay makibahagi sa kani-kanilang pamamaraan sa patuloy na pag-unlad ng ating "web site". Si Lolo ay nagpupugay sa henyo at talino ng pasimuno ng "web site" na ito na walang iba kundi ang ating kababayan na si Warly Guerra (anak sa Mateo Guerra ng Sandalan at Poblacion). O sige, marami-rami na rin ang ating natalakay at sasamantalahin na ni Lolo ang magpaalam sa inyo kaagapay ang pag-asa na muli pa tayong magkikita sa mga darating na panahon. So Lolo ay umaasa na sa pamamagitan ng ating talakayan ay may napulot kayong halaga kahit munti lamang sa ating mga pinagusapan. At kung wala man ngunit kayo ay naaliw sa inyong pagbabasa ay maligaya na rin si Lolo at nagkaroon din ng kaunting kabuluhan ang kanyang mga ginawa. Ngayon ay tatapusin na natin ang ating leksiyon sa papamagitan ng sama-samang pagsigaw ng ating "motto": Sulong Ibaan! 16 HALIMBAWA NG GUPIT BAO O ESTILONG TURTUGO Ang palibot ng ulo ay aahitin sa pamamagitan ng labaha at magtitira lamang ng kaunting buhok sa bandang harapan. Nilagyan ng pomada at sinubukang lagyan ng hati malapit sa gitna ngunit sa kaigsian ng buhok ay ayaw sumama. Ang litratista at magulang ay nabigong paumisin ang bata. 17 SUBENIR NG KAARAWAN Kinailangang anyayahan ng magulang ng bata ang litratista upang makunan ng larawan ang kaarawan ng kaniyang anak. Pansinin ang sahig na kawayan at bintanang yari sa kapis. 18 ESPESYAL NA LEKSIYON: MGA KATAWAGAN Mga bata, ang ating paksa araw na ito ay tungkol sa mga salita o katawagang ginagamit sa pangarawaraw na pananalita sa bayan ng Ibaan noong bata pa si Lolo. Ilabas na ang mga kwaderno (notebook) at sipiin (kopyahin) ang smusunod na listahan ng mga salita at kanilang kahulugan. Ala Salitang madalas gamitin sa pag-uusap ng mga taga-Batangas. Walang tuwirang ibig sabihin. Apanas Maliliit na pulang langgam. Apuyan Sa madaling salita ay posporo. Asbar Palo ng magulang. Aspike Tumanggap ng matinding pamamalo mula magulang. Bahaw Malamig na kanin. Bakas Salo sa pagkain o hati sa pag-aari ng bagay. Baksa Piraso ng tela na korteng tatsulok na inilalagay sa likod ng batang iskawt. Balagwit Pagbuhat ng dalawang bagay na gumagamit ng matigas na piraso ng kawayan na nakapatong sa balikat. Baliw Hindi ito iyong nasisiraan ng bait. Ang ibig sabihin nito sa Ibaan ay mabagsik. Halimbawa: Ang aming aso ay baliw (matapang, agad-agad ay nangangagat). Banas Pagka-maalinsangan ng panahon. Banaw Pinaghalong alak at katas ng sinturis, isang uri ng pomelo. Baraka Araw ng palengke na ginanaganap tuwing araw ng Sabado. 19 Barik Uminom ng alak. Bastag Isa lamang sa dalawang numerong tinayaan ang tumama sa jueteng. Baysanan Mga seremonyas ng kasalan. Bihasa Sanay sa paggawa ng isang bagay. Binit Katawagan ng mga bata sa tirador (slingshot). Bugok Bulok, partikular na tumutukoy sa bulok na itlog ng manok. Bulak Hindi ito iyong tinatawag sa salitang Ingles na "cotton". pag sinabing nabulak sa Ibaan, ang ibig s abihin ay kumukulo na ang niluluto. Bukana Malawak na ispasyo na nagsisilbing harapan o pasukan. Bulanglang Paraan ng pagluluto ng gulay na ginagamitan ng pinaghugasan sa bigas bilang sabaw. Buntal Katamtamang palo ng magulang. Burbur Sinangag na kinayod na murang niyog na pinagsasawsawan sa sumang lihiya. Busa Pinabusang mais na balot ng pula o berdeng manipis na papel at may lastiko sa isang dulo.(Tigsi-singko ang isa.) Dagim Madilim na ulap na nagdadala ng ulan. Dagok Matinding palo ng kamay sa likod. Dawit Laro ng palakasan ng kamay sa pamamagitan ng paglalaban ng gitnang daliri. 20 Dukwang Ilabas ang kalahati ng katawan sa bintana. Dumalaga Manok na malapit nang maging inahin. Gahol Walang sapat na oras o panahon. Gugo Ito ang ginagamit na "shampoo" noong panahon ng kabataan ni Lolo. Gulok Itak. Guyam Langgam. Hantik Malalaking langgam na pula. May tibo sa puwitan. Hapay Malapit nang matumba. Hawot Pinatuyong isda na masarap pang-ulam sa kanin. (Tip: sabawan ng barakong kape ang bahaw na kanin at mag-ulam ng hawot. Ito ay paborito ni Lolo.) Hihip Gamit sa pagluluto para mas lumaki ang apoy sa kalan. Hikap Naglilibot sa buong bayan. Sa madaling salita ay nasa layasan. Humba Natitirang pagkain pagkatapos ng piyesta. Hunta Usap-usapan ng mga magkakapit-bahay. Ineng Pantawag sa batang babaeng hindi alam ang pangalan. Kalamaghati Malapot na nilutong katas ng niyog.Masarap palaman sa tinapay. "Coco jam" kung tawagin sa Maynila. 21 Kasaw Batihin ang itlog ng manok. Kawa Higanteng kawali na iniwan ng mga Amerikano nang matapos ang gera. Kibal "Mini version" ng sitaw. Masarap isahog (ihalo) sa bulanglang. Kitse o Tapon Takip ng bote ng sopdrink. Sa madaling salita ay "tansan". Kuloong Isang malalim na balon. Kwitib Maliit na itim na langgam. Nangangagat. Lako Pagtitinda sa pamamagitan ng pagpunta sa bawat bahay at pag-aalok ng paninda. Libag Dumi ng katawan. Lintik Bulalas ng galit o pagkapoot. Lipana Maraming nakikitang ganoon. Nagkalat. Lipol Mawala o maglaho. Liting Lubid na ginagamit sa pagpapalipad ng papagayo (saranggola). Lublob lubog sa tubig. Luklok Maupo. Malimit Madalas. 22 Mura Hindi ito iyong mababa ang presyo.Ito iyong pag ikaw ay "masutil" (disobedient), ikaw ay mamumura (mapapagalitan). Mamulong Paghingi ng kamay ng dalaga upang pakasalan. (Tandaan: Hindi mahina ang boses ng nag-uusap dito. Kung minsan ay nagkakasigawan pa. Tip: Lasingin muna ang magulang ng dalaga upang madaling mapapayag sa gusto ng partido ng lalaki.) Nuno Maliliit na tao na nakatira sa ilalim ng lupa. Pihol Ikuting pakaliwa o pakanan. Pilansik Lumuluksong tapon ng mantika habang nagpiprito. Pulangga Isang uri ng ibon na madalas tiradorin ng mga bata. Salikungkung Pinagtupi-tuping papel na may sinulid na pinalilipad ng mga bata. Samlang Maduming magtrabaho. (Halimbawa: Ang batang madumi kung kumain ay tinatawag na samlang.) Sibi Pansamantalang hapag kainan na itinatayo upang magamit ng mga bisita ng ikinakasal. Simbar Atakihin o targetin buhat sa itaas. Sinturis Uri ng pomelo (orange) na tumutubo sa Ibaan. Sipit Panghawak ng baga o mainit na kahoy sa lutuan. Sipol Pagpito o "whistle". Sumba Pampaugong sa saranggola. Hugis busog at yari sa dahon ng buli, ito ay inilalagay sa likod ng saranggola. Suno Makisakay. (Halimbawa: Ang taong walang perang pambayad ay nakikisuno na laang.) 23 Sutil Matigas ang ulo. Talsik Tumilapon. Tangwa Lugal na may panganib na mahulog ang bata. Tari Maliit ngunit matalas na kutsilyo na ikinakabit sa paa ng pangsabong na manok. Tiping Isang uri ng manipis ngunit matamis na tinapay. Tubog Maliit na batis.(Pumunta ka sa likod ng bahay ng Mamay Adis Papio at iyon tubog iyon.) Tuklong Pinagdadausan ng pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria tuwing buwan ng Mayo. Tulyase Malaking kawali na pinaglulutuan ng mga pang-ulam kung piyesta. Umay Sawa na sa partikular na pagkain. Umis "Smile". Umpi Daglat sa "inang kumpil" (godmother). Usngal Nakalabas ang ngipin sa unahan. Utoy Pantawag sa batang lalaking hindi alam ang pangalan. Uyayi Malaking duyan na yari sa yantok. Wari Parang o tila baga. 24 Mga bata, kung tapos na kayo ng pagsipi sa talaan ng salita ay maari na kayong umalis. Ito muli ang inyong Lolo na umaasang may natutuhan kayo kahit kaunti man lamang dito sa ating espesyal na leksiyon hinggil sa mga lumang salita na minsan ay ginamit sa ating bayan ng Ibaan. 25 ESPESYAL NA LEKSIYON: MGA AWITING BAYAN Alam ninyo, noong bata pa si Lolo ay hindi pa ganap ang pagpasok ng banyagang kultura sa ating bayan bagamat ito ay nagsisimula na. Sa mababang paaralan ay halos awiting Amerikano ang aming pinagaaralan, ngunit may pailan-ilan ding katutubong awitin ang itinuturo sa ilalim ng araling pang-musika. Sa palatuntunan sa radyo ay madalas mong maririnig ang mga awiting galing sa Amerika. Ang buong bansa lalo na ang kabataan ay dagliang nabighani sa kakaibang tunog ng musikang banyaga kaya sa mga malalaking pagtitipon ay halos mga tugtugin at awiting "stateside" ang iyong maririnig. Ganumpaman, nananatiling nakakintal sa kamalayan ng aming henerasyon ay mga awiting bayang aming kinagisnan. Ito ay iyong matututunan sa pamamagitan lamang ng pakiki-halubilo sa iyong mga kababayan sa daloy ng iyong pangaraw-araw na buhay o sa pagdalo sa mga okasyong ipinagdiriwang. Ang pagka-alam mo sa mga awiting ito ay isang palatandaan na ikaw ay isang tunay na tubong Ibaan. Upang lubos na maramdaman ang damdaming ipinahahayag, pakiusapan na lamang ang inyong magulang o sino mang nakatatanda na kantahin sa inyo ang mga awiting nasasaad sa ibaba. Ang mga ito ay ilang lamang sa mga awiting bayang malimit naming kinakanta. Sa katagalan ng panahong ang mga ito ay hindi naririnig ay ipagpaumanhin kung hindi eksakto o tumpak ang mga liriko ng awitin. Sa pakikipaglaro mo sa ibang mga bata ay masasaulo mo na ang mga karaniwang binibigkas halimbawa kung paano malalaman kung sino dapat ang taya. Ang mga ito ay karaniwang binibigkas habang may aksiyong ginagawa at karaniwan ang mga salita ay magkaka-tugma. Halimbawa: Sirit-sirit mantika Ang mahuli'y siyang taya! Giling-giling estatwa Ang gumalaw ay taya na! Ang katapusan ng klase sa paaralan ay dagliang nasusundan ng pagsapit ng tag-init sa buong bayan. Ito ay tanda na nalalapit na ang Mahal na Araw at kaagapay nito ang pagdiriwang ng "pabasa" o ang tuloytuloy o magdamagang pag-awit ng mga talata sa aklat na Mahal na Pasyon. Ito ay kinaugalian nang puntahan ng aming mga magulang ngunit ang mga bata ay sumasama din dahil sa libreng kape at tinapay. Sa gabi naman ay naghahanda ang may "pabasa" ng libreng "salabat", isang uri ng mainit na inumin na buhat sa ugat ng halamang luya. May iba-ibang estilo ng pag-awit ng pasyon at kung anu-ano ang tawag sa bawat estilo ay hindi alam ni Lolo. Ngunit sa isang estilo ay mapapansin na ang pinakaunang pantig ng unang salita sa talata ay inaawit nang matagal at kalimitan ay umaabot ng ilang minuto. (Humingi ng "sample" sa mga matatanda sa iyong paligid upang lubos na maunawaan ang sinasabi ni Lolo.) Pagdating ng Mayuhan ay kakaibang awitin ang iyong maririning. Ang pagdarasal ng rosaryo at pagbasa ng aral at kwento ay sinasaliwan ng ibat-ibabang awitin sa hindi kukulangin sa tatlong lenguahe: Tagalog, Espanyol, at Latin. Ang awit ng pag-aalay sa salitang Tagalog ay tila baga may dalawang bersiyon; isang 26 pang-ordinaryong araw at isang pang-espesyal na araw (halimbawa: piyesta). Ang isang koro ay wari bagang may ganitong liriko: Halina at ating ngayo'y ipagdiwang Ang Birheng Mariang kalinis-linisan Ipagmaka-awang tanggapin ang alay Masamyong bulaklak handog araw-araw. At ang isa naman ay tila ganito ang takbo: Tuhog na bulaklak Sadyang salit-salit Sa mahal Mong noo'y Aming ikakapit. Lubos ang pag-asa't Aming pananalig Ng buong pag-ibig Sa Birheng Maria. Halina't tayo ay mag-alay Ng bulaklak kay Maria. Ang bahaging ito ay sa salitang Espanyol at kinakanta nang solo: O Maria, O Maria Sin pecado concevida Rogas, Rogas por nobis Quierecori mas avos. (Pasensiya na kayo't pasang-awa lamang si Lolo sa suhetong Espanyol noong siya ay nag-aaral pa sa kolehiyo. Maaaring mali ang ispeling o "wording" ng mga salita pero parang ganito ang tunog.) Tuwing sasapit ang Araw ng mga Patay ay usong-uso ang pangangaluluwa, ang pagbisita sa bahay-bahay upang maghandog ng ilang awitin kapalit ng limos na maaring pera o kaya ay ilang gatang ng bigas. Ganito ang "standard" na awit pangkaluluwa ng mga bata: (Sumangguni sa nakatatanda kung paano ang tono nito.) Kaluluwa'y dumaratal Sa tabi ng durungawan Kampanilya'y tinatang-tang, Ginigising ang may-bahay. Maybahay kung lilimusan Dali-dalian po lamang 27 Baka kami mapagsarhan Sa pinto ng kalangitan. (Siya na nga ang nagpapalimos, minamadali ka pa!) Kapag nagbi-binata ay hindi mo maiwasan ang mapasama sa ilang inuman at pag medyo marami na ang nainom ay napakasarap magkantahan. Sa saliw ng gitara ni pinsang Chito Rivera, ang paborito naming awitin ay ang: Ay ya ya ya yay O Pag-ibig Pag pumasok sa puso ay maligalig Ay ya ya ya yay hanggang langit Ang pangako ng pusong umiibig! ("O, tagay muna, tagay muna, ika nga ng matatanda ay magtagal na raw ang kamay sa ibang bagay, huwag laang sa baso!") Sa kalimitan, ang kantahan sa inuman ay nauuwi sa pagdalaw sa isang dilag at ang awiting harana ang nagsisilbing panggising sa natutulog na dalaga. Ang liriko ng awiting ito ay walang kamatayan at sa dami ng inumang iyong nasalihan ay masasaulo mo na: Dungawin mo hirang Ang nananambitan Kahit sulyap mo man lamang Ay iyong i-dampulay. Sapagkat ikaw lamang Ang birheng dalanginan Ng puso kong tanging sa iyo'y Nabubuhay. Ang tema ng kagandahan at pag-ibig ay walang pinipiling panahon. Sa ating munting bayan ay may isang awiting hindi mo maaring makalimutan hanggang ikaw ay nabubuhay. Ang himig at liriko ng awiting ito ay talagang kahanga-hanga at napakaganda. (Subukan ninyong ipakanta ito sa isang taong nakakaalam ng tono.) Kay ganda mo, hirang Prinsesa ng Kumintang Sa ala-ala ko Ay di ka mapaparam Sa kalungkutan ko'y Tanglaw ka ng aking buhay Ang iyong pagsinta'y Langit ko, Prinsesa ng Kumintang. 28 Sa saliw ng kundimang ito ay winawakasan na natin ang ating espesyal na leksiyon. Nagustuhan baga ninyo ang ating paksang-aralin sa araw na ito? Sana'y nadagdagan pa ang inyong kaalamang pangkultura hinggil sa ating munting bayan ng Ibaan noong panahong nakalipas. Ito muli ang inyong paboritong Lolo na umaasang magkikita pa rin tayo sa mga susunod na panahon. 29 TAGPO SA BAYSANAN Ganito kami pumostura noong araw. Sa ilalim ng "parachute" nagkakainan ang mga bisita sa "baysanan". 30 AY ! (Sa ala-ala ni Ka Bidong) Ay saan ga ho are? Ay diyan laang sa Ibaan. Ay ano ga ang dumale? Ay di itanong mo kay Ka Baste. Ala, ay ikaw naman yata'y lasing na? Eh, eh, ay walang piho? Ay kayo ga'y aahon na? Ay daan muna at makapaghuntahan. Ay ano kaya ang mabile, putok o pan de agua? Ay siya, tiping na laang.... Ay mandin kay nakapang-haribo, Ay pagatan na nang pagatan! Ay sa P_____ I__ Mong B_____ Ka, Ay sulong! 31 UGOY-UGOY AT SAGIMIS, AYOS NA! (Para kay Nelson Semira) Kung ika'y magme-merienda Sa aming bayan ka pumunta Dito ay maraming "choices" At ikaw ay di na pipila. Kung ika'y naiiinitan Sa tindi ng sikat ng araw Halu-halo ni Ka Benny Ang dapat mong subukan. Kung sorbetes ang napupusuan Huwag maiinip, mag-intay lamang Pag nadinig na ang kililing sa lansangan Si Ka Ute o Ka Pedro parating na iyan. Pag tinapay ang pinag-usapan Iba't-ibang klase ang dito'y matatagpuan Meron kaming de-agua, espesyal, at simada Sa Ka Milagring na panaderya doon ka pupunta. Kung tiyempo at Sabado maswerte ka Dahil sa ngayon ay araw ng baraka Tikman mo ang butsi-butsi o nilupak ayos ka na Tiyak ikaw ay babalik kung nais na mabusog ka. Pag puto ang nais mong tikman Meron kang dapat na tandaan Kung araw ng Sabado palengke ang puntahan Kung hindi naman si Ka Lourdes ay bantayan. Kung ang gutom mo ay "gargantuan" Ang kainan ni Ka Peles ang puntahan Dito'y pwede kang magpaluto ng espesyal Pansit na may sabaw ang orderan. Bago ka umuwi tayo muna ay maghunta At para magkasarapan, "one shot" muna Pag lambanog ang hilig alam na kung saan baga Doon kay Mamay Oryong sa tabi ng akasya. 32 PAGTATAPOS SA MATAAS NA PAARALAN: SIMULA NG TUNAY NA PAGHIHIWALAY Magkahalong lungkot, saya at pangamba ang damdaming namamayani sa pagsapit ng pagtatapos sa mataas na paaralan. Kanyang iiwanan ang kapatid at magulang upang hanapin ang kapalaran sa malayong pamantasan. 33 LARAWAN NG KAMUSMUSAN Larawan ng kawalang malay sa kalakalan ng mundo. Ang mga magsisipagtapos sa mataas na paaralan ay nagpapakuha ng espesyal na litrato sa lungsod ng Batangas upang malimbag sa subenir ng palatuntunan o "annual". Sa ibaba ng larawan ay nakalagay ang kanyang pangalan at ilang impormasyon tulad ng karangalang tinamo, tirahan, kursong balak na kuhanin, at kanyang "motto" o paboritong kasabihan. 34 PAANO GUMAWA NG BINIT Itong si Lolo ay ay nagbabalik-bata na yata ang isip at kung anu-anong walang kabuluhang bagay ang naiisip sulatin. Eto at itong binit naman ang napagtuunan ng pansin. Pagbigyan na nga natin ang matanda. Alam ninyo ang binit ay matatawag nating "standard equipment" ng isang batang lalaki noong aming kapanahunan. Kumbaga, ito ay para na ring "extension" ng aming mga damit. At kung lalakad na ang bata papunta sa layasan ay hindi maaring makalimutan na isakbit sa kanyang leeg ang kanyang binit. Tayka muna, ano baga itong tinatawag na binit. Ang binit ay kung tawagin sa Maynila ay tirador o "slingshot". Ito ay ginagamit para patamaan at palaglagin ang prutas o kaya ay ibon na maaring iluto at kainin. Ang pinaka-bala nito ay maliliit na batong napupulot sa kalye o sa mga looban. Ang mahusay na bala ay iyong tamang tama lamang ang laki at bilugan, mas maganda kung batong buhay. Isa sa mga pinaka-magaling buminit noong kabataan ni Lolo ay itong si Efren Torino, nakatatandang kapatid ni Bernard Torino, na sa kasalukuyan ay siyang bise alkalde ng ating munting bayan. Itong bunga ng mangga ay bungkos-bungkos, minsan ay apat, lima, o anim sa isang bungkos. Alam baga ninyo na kayang-kayang patamaan ni Efren Torino ang nag-iisang sanga na naghahawak ng buong bungkos na ito? Ngayon, nais baga ninyong matuto kung paano ang paggawa ng binit? Kung opo ang inyong sagot ay makinig na mabuti sa sumusunod na kwento ni Lolo. Isang araw ng Sabado ay umaga pa lamang ay nagmamadali na ang batang umalis dala-dala ang gulok, habang hinahabol ng kanyang ina at ito ay sinasabihan na magsambalilo dahil maya-maya ay tunay na pagkakahitik na naman ang sikat ng araw. Ang bata ay tatawid ng tubog diyan sa tabi ng bahay ni Mamay Adis Papio at maghahanap ng puno ng bayabas. Habang naghahanap ng hugis "Y" na sanga ay isinasabay na rin ang paghanap ng hinog na bayabas. Kung hindi man makakita ng hugis "Y" na sanga ay busog naman sa bunga ng bayabas. Ang paborito ng bata ay iyong tinatawag na "kalambahin," iyong kulay pula ang mga buto. Sa di kalayuan ay may madadaanan siyang mababang puno ng santol. Aakyatin niya ito at sa may dikataasan ay kakaskasin ang balat ng puno. Sa pamamagitan ng kanyang gulok ay magdo-drowing siya ng dalawang puso na tinuhog ng palaso at mula sa sugat na tinamo ay may tumutulong dugo. Sa bandang ilalim nito ay kanyang iuukit ang pangalan ng isang batang babae. Palatandaan kaya ito ng lihim na pagibig na mistulang walang kinabukasan dahilan sa layo ng agwat ng katayuan ng bata at ng babaeng kanyang napupusuan? Di maglalaon at makakasumpong rin ang bata ng sangang akmang-akma sa hugis "Y". Bandang katanghalian ay hila-hila na ng bata ang napiling sanga ng punong bayabas at sa kanilang bahay na niya ito aayusin. Pagkakain ng tanghalian ay tuloy-tuloy na ang bata sa silong at maingat na puputulin ang sanga sa tamang-tamang sukat at pagkatapos ay kakaskasin ang balat nito. Ang sanga ay pansamantalang 35 patutuyuin habang pinaplano ang susunod na hakbang. Mangagailangan na ng pera ang susunod na yugto. Tityempuhan ng bata na malamig ang ulo ng magulang upang humingi ng perang pambili ng "interior," isang makapal na goma na may iba't ibang kulay at ang lastiko na siyang ggagamitin para ikabit ang goma sa hugis "Y" na kahoy. Ang "interior" ay magkakahalaga ng sampung sentimo at sa singkong sentimo ng lastiko ay dalawampung piraso na ang mabibili. Pag minamalas at hindi nabigyan ay susubukin uli sa ibang araw. Kung mabigyan naman ay takbo na ito sa tindahan ni Ka Virgilio at bibili ng "interior" at lastiko. Kung sobra ang naibigay na pera ay bibili na rin ito ng kending "Love-U" na noon ay mamera ang bentahan. Ang pinakamurang kendi noon ay ang "delimon" na mabibili mo sa halagang limang piraso ang isang pera. Ito ay maaari mong mabili sa tindahan ni Ka Sante diyan sa Ilaya na siya namang nagtatabas ng damo sa paligid ng paaralan. Sa silong ng kanilang bahay ay palihim na maghahanap ang bata ng mga luma at inaamag nang sapatos ngunit siya ay mapamansin ng kanyang ina at mapapagsabihan na baka diyan ay may ahas at ikaw ay matuklaw ay siya sige. Ngunit ito ay hindi papansinin ng bata at tuloy pa rin kahit may mga ulahipan na siyang napapatay. Sa wakas ay makakakita rin siya ng sapatos na mahaba ang dila at ito ang pagkukuhanan niya ng pang-ipit sa bala para sa kanyang binit. Mula sa dila ng lumang sapatos ay gugupit ito ng isang malaking korteng parihaba at dalawang maliit na pahaba. Sa magkabilang dulo ng malaking parihaba ay gugupit siya ng butas. Samantala, ang bata ay gugupit ng dalawang magkasinghabang piraso ng "interiror". Hihila-hilahin niya ang "interior" para matantya ang tamang-tamang haba. Sa pamamagitan ng lastiko ay ikakabit niya ang isang dulo ng "interior" sa parihabang balat at ang isa naman ay sa isang sanga ng hugis "Y" na kahoy. Gagamitin niya ang dalawang maliit na pahabang balat at ilulusot ito sa butas ng malaking parihabang balat. Ito ay uulitin niya sa kabilang sanga naman ng kahoy. Kung marami ang natirang "interior" ay gugupit ang bata ng maninipis na piraso at ito ay ipapatong niya sa lastikong nakapalupot sa "Y" na sanga at pati na rin sa kabilang dulo. Sa gayon ay magiging mas matibay ang kabit ng "interior" maging sa kahoy o balat. Yari na ang binit ng bata! Hahawakan niya sa balat ang binit at titiyakin na pantay ang bagsak ng hugis "Y" na kahoy. Tetestingin niya ang kanyang binit sa pamamagitan ng pagtarget sa ilang lata ng gatas na ihahanay niya sa harapan. Kung ilang bato lamang ang magmintis ay masaya na ang bata, tama lamang ang pagkakabit ng "interior" sa kahoy. Sa tanganan ng binit ay iuukit niya ang kanyang pangalan. Bilang pangwakas at upang ipagdiwang ang kanyang tagumpay, ito ay magpapalaog sa bubungan ng bahay ni Mamay Tasyo. Habang sumusigaw si Mamay Tasyo ay tatakbo na ang bata sa kanilang bahay para magtago. Ang binit ay isang matulunging kasangkapan ngunit ito ay maari din namang makasakit ng ibang tao. Para maging ligtas sa kapahamakan ang paggamit natin ng binit, tandaan at laging sundin ang mga sumusunod na alituntunin: 36 1. Ang binit ay ginagamit lamang sa pagpapalaglag ng bunga o ibon na maaring kainin at bilang pangsanggalang laban sa masasamang loob o mababangis na hayop. 2. Huwag na huwag itututuk ang binit sa mukha ninoman at baka mabitawan ang balat ay malaking disgrasya. 3. Huwag bibinitin ang alagang hayop ng kahanggan at baka tayo ay mabaril ay hala! 4. Huwag magpapalaog sa bubong ng bahay ng kahanggan at baka may natutulog ay sabi nga ng matatanda ay pumatol ka na sa lasing, huwag laang sa bagong gising. Tandaan: huwag na huwag gagamitin ang binit para manakit ng ibang tao. At dito nagtatapos ang isa na namang pagtalakay ng ilang bagay na may kinalaman sa taong nakalipas sa ating munting bayan ng Ibaan. Ito muli ang inyong paboritong Lolo na umaasang kayo'y may napulot na kaunting kaalaman at tayo'y muli pang makakaniig sa darating pang panahon. 37 MGA PALATANDAAN NG ISANG TUNAY NA TAGA IBAAN Kayo baga'y tunay na taga Ibaan? Alam ninyo, kung kayo ay mahilig mamasyal sa Internet ay walang salang makatatanggap kayo ng ilang liham na nagsasaad ng mga obserbasyon sa ibang bansa na magpapatunay na ang taong tinutukoy ay isang Pilipino. Pumapasok na dito ang ilang kaugaliang masama man o maganda, naiibang pamamaraan ng paggawa ng isang bagay, naiibang anyong pisikal, at marami pang iba. Bilang alagad ng sining ng Internet, si Lolo walang pasubaling nakatanggap din ng ganitong mga mensahe, at sa kanyang pagmumuni-muni ay naisipan niyang gumawa ng isang listahan na naangkop naman sa pagiging isang tunay na taga Ibaan ng isang tao. Ang paksang ito'y hindi talalaga kasama sa plano ng ating aralin at kung baga ay pansingit lamang kung tayo ay may natitira pang oras. Ganumpaman, ito ay maaring makatulong upang ating matunghayan kung ano ang mabuti at masama o pangit at maganda upang maituwid kung tayo ay may kamalian. Eto na ang listahan ng mga listahan, ang mga palatandaang magpapatunay na ikaw ay tunay na taga Ibaan. Kuhanin ang inyong kwaderno at sipiin ang sumusunod. Ikaw ay tunay na taga Ibaan kung..... 1. Alam mo kung nasaan ang Balindis at Pinagtipakan. 2. Kilala mo si Iga pero hindi mo kilala ang meyor ng Ibaan. 3. Alam mo na ang Tulay Na Patpat ay hindi talagang tulay (kung hindi tulay, ay ano ito?) 4. Noong bata ka pa ay nag-iipit ka ng dahon ng "kataka-taka" sa iyong libro para maging magaling ka sa klase. 5. Alam mo kung anong mga baryo ang tinutukoy pag sinabing "Kabila ng Ilog". 6. Alam mo kung bakit December 30 ang piyesta at hindi July 25. 7. Noong bata ka pa ay nagbabaon ka ng binalot kahit malapit lamang ang bahay ninyo sa paaralan. 8. Alam mo kung ano ang burbur at sa anong pagkain ito inilalagay. 9. Nakapasyal ka laang ng ilang araw sa Maynila ay "sawit" ka na! 10. Noong bata ka pa ay meron kang bote na pinaglalagyan ng mga kendi na galing sa tuklong. 11. Nagpapatabi ka sa nuno pag may nadaanan na punso ("Tabi po, nuno po!"). 12. Imbes na salitang "sana", ang ginagamit mo ay "haringa". 13. Naniniwala ka na ang iyong tiyo ay iniligaw ng kapre sa gubat kaya gabi na nang dumating. 38 14. Pag tinanong ka kung nasaan ang Ibaan, ang sagot mo ay: "Pumunta ka sa www.alaeh.com." 15. Pag sinabing diyan laang sa "bayabasan" ay alam mo na ang ibig sabihin. 16. Tinatanong mo kung saan nanggaling ang iyong kahanggan kahit alam mo na ito'y bagong gising. (Wala laang masabi.) 17. Ang ginagamit mong kumot ay kulambo. (Hindi kaya magaspang ito?) 18. Paborito mong santo si San Pedro dahil mahilig ka sa sabong. 19. Mas maganda pa ang bahay ng mga patay kaysa bahay ng mga buhay. 20. Pag kayong magka-kababayan ay nag-uusap, ang akala ng iba ay kayo'y nag-aaway dahil kayo'y gigilan nang gigilan at angilan nang angilan. Sige, at sa muli nating pagkikita ay meron pa tayong ibang pag-uusapan. Ito uli ang inyong paboritong Lolo na nagpapaalam at lakip ang pag-asa na sana ay meron kayong natutunan kahit munting aral lamang sa ating pinag-usapan. 39 TAYO NA SA MAYNILA Ang teknolohiya ng transportasyon at komunikasyon noong aming kabataan ay hindi pa gaanong maunlad katulad ng kalagayan sa ngayon. Dahil dito, ang Maynila ay tila baga isang napakalayong lugar. Sa aming murang kaisipan, ang Maynila ay simbolo ng karangyaan at makabagong kaanyuan at dito matatagpuan ang mga bagay at kaganapang imposibleng mangyari sa ating bayan ng kapanganakan. At dala na rin ng makabatang kapusukan, ang Maynila sa aming kamalayan ay maharot, punung-puno ng kulay, at pinananabikan. Bagama't ikaw ay kakainisan kung magsasalita ka ng "sawit" o puntong Maynila, ang bawat isa ay may lihim na pangarap na sa Maynila'y makatuntong kahit misan man lamang. Noong aming kabataan ay bihirang bihira ang may sariling sasakyan at halos lahat ay gumagamit ng pampublikong sasakyan sa pagtungo sa paroronan. Hindi pa uso noon ang mga dyipni na pumapasadang diretso mula Ibaan hanggang Maynila. Kung gusto mong pumunta ng Maynila nang diretsahan ay sa "first trip" ka ng BTCO sasakay, ang alis nito ay 5:30 ng umaga. Pag-uwi naman ay gusto mo ring diretso sa Ibaan ay aabangan mo ang "last trip" na pa-Ibaan at 3:00 ng hapon naman ang alis nito sa Maynila. Kung tanghali ka nang nagising ay sasakay ka ng maigsing BTCO bus na pa-Lipa at sa Lipa naman ay lilipat ka sa mahabang BTCO bus na pa-Maynila. Dito sa biyaheng pa-Lipa ng BTCO mo masusumpungan ang isang institusyon pag BTCO ang pinag-usapan, si Inspector Bicol na tatay ni Rogelio Bicol. Itong si Inspector Bicol ay napakahusay sumiste at umestima ng mga pasahero. Siya ay nakakatuwang kausap at napakadali mong makapalagayang loob. Iyong iba nating kababayan na ayaw maiwan ng "first trip" papunta sa Maynila ay sa loob na lamang ng BTCO bus natutulog at doon ay naglalagay ng kulambo para hindi kagatin ng lamok. Noon ay wala pa ang "South Expressway" kaya tila yata sa Baclaran pa nagdadaan papuntang Pasay at Maynila. Ang mahabang BTCO bus noon ay iyong mahahaba ang upuan na bukas sa magkabilang panig kaya lampas-lampasan ang hangin (Hoy, wala pang "air conditioned" na bus noon, ha?). Ang pamasahe ay wari ko'y kulang-kulang sa limang piso dahil ang bayad hanggang Lipa ay singkwenta sentimos lamang. Iyong maiigsing BTCO bus naman ay hindi na diretsahan ang upuan at saka sarado na ang magkabilang tabi. Mapa-mahaba o mapa-maigsi, ang bawat BTCO bus ay meroong tinatawag na kusina sa hulihan, dito inilalagay iyong mga malalaking bagahe na kalimitan ay produktong iniluluwas o kaya ay mga pinamili galing Divisoria. Hindi pa karamihan ang sasakyan noon kaya ang hangin ay di hamak na mas malinis kung ikukumpara sa ngayon. Pag sinuswerte ka at may nakasabay kang kakilala ay di ayos ang huntahan at hindi ka maiinip. Pagdating ng bayaran ng pamasahe ay naguunahan na mai-libre ang kakilala, kahit paubos na ang pera sa bulsa. Pag minamalas ka naman ay wala ka nang makahunta ay makakatabi mo pa iyong mahilig matulog at habang natutulog ay ikaw naman ay susuungin nang susuungin. (Tunay ka naman ay tulo ang laway eh!) Pag ikaw naman ay pinalad na mapaupo sa tabihan ay kaiingat ka rin. Baka doon sa may 40 bandang unahan ay may makadahak ay pagdura noon ay saboy na saboy sa iyong mukha. (Lintik na yan ah!). Noong kami ay maliliit pa ay aming natatandaan na kung buwan ng Mayo ay usong-uso ang "excursion" kung saan ang mga magkakahanggan at magkakababayan ay nagtutungo sa iba't-ibang magaganda at makasaysayang lugar sa Pilipinas. Ang paborito nilang puntahan ay ang lungsod ng Baguio at ang paboritong sasakyan ay ang "Mapalad Liner", isang magara at modernong bus na bumibiyahe sa Maynila sa rutang Makati hanggang Quiapo. (Ang Makati naman noon ay kugonan pa at wala pa ang mga matatayog na gusali gaya ng sa ngayon.) Ang "Mapalad Liner" ay pag-aari ng angkan ng Mapalad na taga riyan sa atin sa Palindan. Pag may maga-abroad naman ay sisita pa ng isang maliit na BTCO bus at ito ay lalagyan pa ng "streamer" na "Bon Voyage". Si Lolo ay isang paslit na bata noong unang umalis si "Ate Mameng" (Mrs. Juliana Carmen T. Mitra) na pinsan ng ina ni Lolo papuntang Canada at nagkapalad na makasama sa paghahatid sa kanya sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport). Habang nasa daan ay napakasarap ang huntahan, biruan, at tawanan. Mula iyong upuan sa loob ng BTCO bus kapag binagtas na ang kabukiran ng Laguna ay napakagandang pagmasdan ang mga batang puno ng palay na nagmimistulang umaalon at umaagapay sa bugso ng hanging amihan. Sa Maynila naman ay kami'y humahanga sa matataas at mararangyang gusali, sa ingay ng lungsod, at sa mga taong tila baga palagi nang nagmamadali. Ngunit ang paghihiwalay sanhi ng pangingibang bansa ay tigmak ng kalungkutan at ang luha'y di mapigilan sa tuwing maiisip ang napipintong matagalang pagkakalayo. Sa biyaheng pabalik sa ating bayan ay kapansin-pansin ang kawalang sigla at pangkalahatang katahimikan. Noong si Lolo ay estudyante pa sa mataas na paaralan ng St. James Academy ay di minsang nakasama din siya sa "excursion" ng mga mag-aaral sa lungsod ng Maynila. Ang biyaheng ito ay pinanabikan ng mga mag-aaral at kahit salat sa salaping pambayad at pambaon ay pinagsisikapan pa ring makilahok sa taunang biyahe sa kalunsuran. Isinusuot ang pinakamagarang damit na "Hawaiian polo", kuntodo nakapomada ang buhok, at bagong "shine" ang sapatos. (Siyempre pa, kasama rin sa "excursion" ang lihim na "crush" ni Lolo.) Habang nasa biyahe ay panay ang biruan at harutan. Para matigil ang kaguluhan, ang aming guro ay sabay-sabay kaming pakakantahin ng mga awiting simbahan na iniiba naman ang "wording" ng aming ilang makulit na kamag-aaral at pinapalitan ng pag hindi bastos ay walang katuturan. Kami ay nagtutungo sa mga magaganda at makasaysayang lugar tulad ng "Fort Santiago", Luneta, "Las PiƱas Bamboo Organ", at "Manila Zoo." Ang Luneta at "Fort Santiago" noon ay kung tagurian ay "Lovers' Lane" dahil sa maraming magsing-irog ang dito ay mahilig mamasyal. Ang lugar ay malinis at maayos pa di tulad ng sa ngayon na ang mga makasaysayang lugar na ito ay naging kuta na ng mga buwitre at mandarambong. Bilang kasapi ng "student council" ng paaralan ay pinalad din si Lolo na makasama sa "excursion" ng mga guro ng "St. James" sa Maynila at medyo kaiba ng kaunti ang lakad na ito. Sa isang banda ay hindi kasing ingay at kasing harot ng lakad ng mga mag-aaral (medyo pino ang ating mga galaw) at iba rin naman ang pinupuntahan. Dito ay hindi na kailangang magbaon ng "binalot" dahil kami ay sama-samang kumakain 41 sa isang tanyag na "restaurant" sa Maynila. At dahil kami ay kaunti lamang ay nakukuha pa naming bumisita sa magarang bahay ng ating tanyag na kababayan na si Ben Medrano sa Forbes Park sa Makati at ang bagong "Santuario de San Jose" sa Greenhills, Mandaluyong, isang makabagong simbahan na pinagsumikapang maitayo ng ating dating kura na si "Father Guido Colleti". Nang lumaki na si Lolo ay sa Maynila na siya nanirahan at sa pagkalagas ng dahon sa tangkay ng panahon ay unti-unti nang nawalan ng dahilan upang siya ay magbalik sa kanyang bayang sinilangan. Ngunit sa kanyang kamalayan ang mga ala-ala ng masayang lumipas ay hindi pa rin nalilimutan. 42 PAHABAAN NG BUHOK: SIMBOLO NG PAGTUTOL SA MAKALUMANG PANINIWALA Ang pagrerebelde ng kabataan sa kasalukuyang kalagayang pampulitika at sosyal ay hindi lamang naipapahayag sa pamamagitan ng kilos protesta sa lansangan. Ang pagpapahaba ng buhok ng mga kalalakihan ay simbolo ng personal na pakiisa sa pangkalahatang pagsalungat sa nakaugaliang patakaran. 43 PAALAM NA PO! Maraming maraming salamat sa inyong pagdalaw. Tulungan po natin ang ating munting bayang sinilangan. Sulong Ibaan! 44 ANG MAY-AKDA Ang Mga Kwento ni Lolo ay sinulat ni G. Aureo P. Castro na anak ng mag-asawang Remigio at Esperanza Castro, kapatid ni Alex at Agnes, kinakapatid ni Zomy (Jun) at Alfredo (Fred) Bonuan, pamangkin nina Florencia ("Nanay Isiang") at Gelacio ("Mamay Gelacio") Perea, pamangkin ni Melchor ("Ka Iso") at Nelia ("Ka Nelly") De Castro, at apo ni Agueda De Castro ("Ka Agueda"). Siya ay maaring sulatan sa ganitong email address: royen111@hotmail.com. Ang iba pang kathang tagalog ni Aureo P. Castro ay matutunghayan sa http://hinagapnikaure.blogspot.com/. 45

Related docs
A Grandpa's Notebook
Views: 17  |  Downloads: 0
Burying Grandpa
Views: 84  |  Downloads: 0
Dear Grandma and Grandpa_
Views: 0  |  Downloads: 0
Six Little Bunkers at Grandpa Ford's
Views: 0  |  Downloads: 0
Grandpa_Jones
Views: 4  |  Downloads: 0
Why Does Grandpa Ignore Grandma
Views: 0  |  Downloads: 0
Grandpa
Views: 7  |  Downloads: 1
Grandpa Pizza Sauce Recipe
Views: 10  |  Downloads: 0
Me, You and Grandpa, Too
Views: 2  |  Downloads: 0
premium docs
Other docs by royen729
Sincerely and Seriously
Views: 52  |  Downloads: 2
Hamog sa Umaga at Kanta na Naging Tula
Views: 559  |  Downloads: 0
Ibaan: Pakikibaka at Barakong Kape
Views: 149  |  Downloads: 1