Taga Bicol Ako

Document Sample
Taga Bicol Ako Powered By Docstoc
					BIKOL: WIKA NG MGA MAGINOONG ORAGON
(Para sa Ambagan-Wika: Kumperensiya sa Paglikom ng Salita
Mula sa Iba’t ibang Wika sa Filipinas, Marso 5, 2009)

ni Abdon M. Balde Jr.



Kung ika’y manlalakbay na nakarating sa Rehiyong Bikol sa unang pagkakataon—lalo kung

nanggaling sa mainit at tigang na lupain ng Hilagang bahagi ng Filipinas—ay tiyak na

mararahuyo at malulumáy ka sa ganda’t gayón ng kakaibang kaligiran ng timugang bahaging

ito ng Luzon. Saglit mong makakalimutan ang lupang pinanggalingan.



Ang unang aakit sa agimadmád ay ang lungting kaligiran. Maaaninag ang kasariwaan mula

sa Sûbangan hanggang sa Sulnópan ng araw. Malalim na lungti ang dahon ng mga pananim.

Mayayabong ang punong kahoy. Matatayog ang niyog. Makapal ang taniman at ha’gótan ng

abaka. Ang kapatagan ay nalalatagan ng palay na tila lungti at buláwang banig na bumababa

mula sa irayá, at gumagapang pababa, patungong iláwod, sa baybayin ng bughaw na dagat.



Kaagad na may magpapahiwatig sa gimatá ng lagaslas at tabsing ng tubig sa mga ilog na

nakasuso sa mga burábod at busáy sa gilid ng mga burol patungong sábang, sa bukana ng

dagat. Mahihinuha mong maraming lawa, sapa at ilog na maaaring daluyan at imbakan ng

tubig na umaagos at nasasala sa malawak na kapatagan. Dahil maaari lamang manatiling

lungti, malago at mayabong ang kaligiran kung ito’y sagana sa patubig.




                                                                                            1
Totoong sagana sa tubig ang Rehiyon. Noong panahon ng pananakop, may Kastila pa nga na

nagbansag sa Bikol na “orinola del mundo.” Kung ikaw ay bánog na lumilipad sa papawirin

kung katanghaliang tapat, makikitang ang lungting kapatagan ay tadtad ng di mabilang na

dánaw at lawa at ng mga bikó-bikó at umiíkol-íkol na ilog—na siyang pinanggalingan ng

salitang Bikol. Kung ikaw ay aswang na láyog na lumilipad sa maáyahay na gabi, masisilaw

ka sa mga tubigan at agos na animo’y lusaw na pilak kapag tinatatamaan ng sinag ng

namimilog na buwan.



Malimit na ulan ang dahilan ng pag-apaw ng tubig sa mga ilog. Ang tubig ay mamumuong

kabit-kabit na dánaw sa halos lambak na kapatagan. Ang panahon ay hindi nahahati sa tag-

init at tag-ulan. Walang patid ang salitan ng pagsikat ng araw at pagbuhos ng ulan. Iisiping

wari ay mag-agóm na hindi mapaghiwalay ang buhos ng ulan at sikat ng araw. Malimit nga

ay nagsasabay pa ang ambon, ang tagiti at saldáng na pinagbubuhol mandin ng sari-saring

kulay ng balángaw sa papawirin.



Hindi lamang sa tubig sagana ang Bikol. Ito’y lupain ng walang humpay na salitang ihip ng

hanging habagat at amihan. Anupa’t binabansagan din ang Bikol na highway ng bagyo. Kahit

tirik ang araw ay mararamdaman sa pisngi ang malamig na dapyo ng hangin, dala ang simoy

ng mga bungang kahoy at ng nahihinog na butil ng palay. May mga salimagyó o biglang

bugso ng hangin na naglalagos sa malalapad na bintana ng kubo at bintaas ng mga kubol sa

latian. Ang ulan, ang hangin at ang indayog ng mayayabong na punong kahoy ang nagdadala

ng halumigmig sa maghapong singkad.




                                                                                               2
Subalit tila palaisipan na kung ano ang halumigmig ng kaligiran, siya namang rubdob ng

damdamin ng Bikolano. Baláog ang loob kung makipagkapwa-tao. Tudok sa buot kung

tumanggap at umistima ng panauhin. Udok sa puso kung manuyo sa daragang iniibig.

Malimit pa nga na ang damdaming matapat at marubdob ay naipagkakamaling pagkamalibog

ng orágon ngunit maginoong Bikolano. Ang dahilan ng pagkamasidhi ng kaniyang

pandamdam naakalang nanggagaling sa nagliliyab na sili at ladâ, at sa gata ng niyog—na

malalasahan sa pagkain ng Bikol Express, Pinangat, at gulay na Kurakding.



Sa kabilang-dako, nakapagtataka naman na kung pakikinggan magsalita ang Bikolano ay

malambing at malambot ang kaniyang tinig. Kung mayroon mang matigas sa kaniya ay tiyak

na hindi ang kaniyang dila. Sapagkat malumanay siyang bumigkas ng mga salita. At ang

wikang ginagamit ay tila hinango sa lagaslas ng batis at sa banayad na pagaspas ng mga

dahong idinuduyan ng amihan.



Tunay na ang BIKOL ay wika ng maginoong oragon: marubdob, mapusok ngunit malambing

at mapagmahal. Bilang patunay, narito at ilalahad ang mga salitang may natatanging

kahulugang mapagkakakilanlan ng lahi at kulturang Bikolnon, at ipinapanukalang maisali sa

korpus ng Wikang Pambansa:



   1. ANDÚROG—a)pandiwa, b)kahulugan: makiisa ng damdamin. Kaandúrog mo ako

       sa iyong nararamdaman. Pakikiramay. Nakiki-andúrog ako sa iyong pagdadalamhati.

       Sa Ingles: to share experiences or feelings, to offer condolences; c) etimolohiya: Ang

       andurog ay salitang nagmula sa matatanda. Malimit itong ginagamit sa mga tala, sa




                                                                                                3
nakasulat na talastas at sanaysay, sa mga pormal na pag-uusap, sa mga rawitdawit at

sa mga liham ng pag-ibig. Kung pabigkas, ginagamit ang salita sa pormal na

talakayan, sa mga pulong na tumatalakay sa maseselang paksa, mga talumpati,

pagpapahayag ng masidhing damdamin tulad ng pag-ibig, at sa pagbigkas ng tigsik.

Bihirang gamitin ang andurog sa usapan sa kalye o sa palengke. Sa totoo, bihira nang

marinig ang salita sa usapan ng mga bata. Malimit ginagamit ang andurog kung may

mga kalamidad na nangyayari. Halimbawa, nang sumabog ang Bulkang Mayon

noong unang araw ng Pebrero 1814, bisperas ng Candelaria, na sumalanta sa

maraming bahagi ng Albay, kasama ang lumang bayan ng Kagsawa. Ang mga

nakaligtas at may kakayahang tumulong ay nagbuo ng mga pangkat na aandurog—

makikiramay, tutulong, magbibigay ng pagkain, ng pansamantalang tirahan, ng damit,

at ng pagkakakitaan upang ang mga biktima ng kalamidad ay makabangon sa

kahirapan. Nagkaroon ng panibagong malawakang gamit ang salita noong katapusan

ng Nobyembre 2007, sa kasagsagan ng Bagyong Reming, nang salantaing muli ng

bahang nanggaling sa Bulkang Mayon ang mga bayan ng Guinobatan, Camalig,

Daraga, Albay, Legazpi, at Sto Domingo. Naging palasak na gamit ang pag-andurog

sa mga kampanya ng iba’t ibang lupong pangkawanggawa sa pangingilak ng pondo,

damit at pagkain para sa mga nasalantang pamilya. Karaniwang makikita nang

panahong iyon ang mga kampanya tungkol sa ANDUROG SA BIKTIMA NG

REMING. Sa mga karaniwang mamamayan, kinikilalang kagandahan ng loob ang

kusang pag-andurog sa biktima ng kalamidad at ng sakuna; sa mga namumuno,

obligasyon ang pag-andurog sa mga nasalanta na miyembro ng kanilang kumunidad.

Maaari ring mag-andurog sa isang namatayan sa pamamagitan ng pagdalaw sa




                                                                                       4
   panahon ng pagluluksa upang aliwin ang mga nangungulilang naiwan. “Nakiki-

   andurog ako sa dalamhating dala ng pagpanaw ng iyong mahal na ina.” Pag-andurog

   din ang pagtira sa bahay ng isang kamag-anak na hiniwalayan ng asawa o naiwan ng

   isang naglakbay sa malayong pook. “Hayaan mo ngang sumakabilang-kandungan ang

   bwisit mong asawa, narito naman ako para andurogan ka.” “Huwag kang mag-alala,

   aandurogan kita habang nag-iisa ka rito sa bahay.” Ang ugat ng salita ay dúrog,

   salitang Bikol na nangungahulugan ng pagsama, pakiisa, pag-tabi sa pagtulog o

   pakipagtalik. Kakatwang isipin na taliwas ang salitang dúrog sa duróg ng wikang

   Tagalog. Habang ang duróg ng mga Tagalog ay nagpapahiwatig ng paghihiwa-

   hiwalay ng kabuuan sa maliliit na bahagi sa pamamagitan ng pagbayo o pagdikdik,

   ang dúrog ng wikang Bikol ay nagpapahiwatig ng pagkabuo ng dalawa o maraming

   bagay at ng tao patungo sa pagkakaisa. Ang dúrog ng Bikol ay palaging may

   pahiwatig ng pakikiisa sa maligaya o malungkot na karanasan ng kaniyang kapwa

   tao. Kaya nakakatuwa kung sa Filipino gagamitin ang salita, maaari nang sabihin:

   “Kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, makiki-andurog ako sa iyo nang marahang-

   marahan, iingatan kong di ka madurog.” d) kahalagahan ng salita: Mahalagang

   maisama ang salitang andúrog sa wikang pambansa dahil magpapayaman ito sa

   korpus ng mga salitang tumutukoy sa maselang damdamin ng pakikipagkapwa tao.



2. BINTÁAS—a) pangngalan); b) kahulugan: sahig sa itaas ng pinakasahig ng

   kabahayan o sahig sa ilalim ng bubong. Sa Ingles, loft, mezzanine, attic;

   c)etimolohiya: Ang salitang bintáas ay nagsimula noong unang panahon na ang mga

   tao ay nakatira sa maliliit na kubo na gawa sa kawayan at pawid at mahalagang




                                                                                      5
mapakinabangan na imbakan ng gamit hindi lamang ang silong ng bahay kundi ang

puwang o agwat ng ilalim ng bubong at ng batangan o barakilan. Sa mga hindi bihasa

sa bahagi ng bahay, ang batangan o barakilan ay ang mga pahigang kahoy na

nagdudugtong sa itaas na dulo ng mga haligi upang maging matatag ang dingding. Sa

kasalukuyan, na ang mga bahay ay gawa na sa kongkreto, ang barakilan ay tinatawag

na beam sa Ingles at bega sa Espanyol. Ang mga barakilan ay sinasapinan ng sahig na

gawa sa mga patpat na kawayan o kaya ay plywood. Sa gayon ang barakilan ay

maaari na ring tawaging soleras, o pamakuan ng sahig sa itaas. Sa ganitong paraan,

nagkakaroon ng dalawang sahig ang bahay kubo: ang pinakasahig ng kabahayan na

kinalalagyan ng salas, ng silid-tulugan at ng kusina; at ang sahig sa ilalim ng bubong

na malimit ay pinaglalagyan ng binalumbon na banig, kumot, unan at mga hindi-pa-

gagamiting gamit-bahay na pansamantalang itatabi upang hindi makaabala sa

pinakasahig—itong pangalawang sahig ang tinatawag na bintáas. Nagkakaroon din

ng bintaas ang mga kubol sa bukid na nakatayo sa mga pampang ng sapa, sa gilid ng

mga pilapil at burol. Ito ang mga kubol na may bubong at apat na haligi, walang

dingding, walang sahig at malimit ay may tatlong lampas-tuhod ang taas na pahalang

na buong kawayang nakatali sa mga haligi upang maging upuan ng magsasakang ibig

magpahinga o kumain ng baon. Katulad ng sa bahay kubo, ang bintáas ay mga patpat

na kawayan na isinasapin sa itaas ng barakilan upang paglagyan ng asarol, bareta,

kalaykay. May mga bintáas na bahagyang ibinababa upang lumuwang at

mapaglagyan ng malalaking gamit sa bukid tulad ng araro at pagulong. Minsan, ang

bintaas ay nagagawa ring tulugan ng batugan na magbubukid o pahingahan kung

malakas ang ulan. Maraming maaaring paggamitan sa bintáas. Nang akoy walong-




                                                                                         6
taong gulang lamang, may kubol sa malawak na bukid sa likod ng bahay namin. Isang

dapithapon ay nagkagulo sa paligid ng kubol at ayon sa narinig kong usap-usapan ng

matatanda, ang Lolo ko raw, na setenta anyos na, ay muntik mataga ng asawa ng

kaniyang katalik sa loob ng bintáas. Mabuti at nakatalon at nakatakas ang Lolo.

Ipinagmamalaki ko ang kuwentong ito dahil ito’y nagpapahiwatig ng lakas ng

katawan kung hindi man ng loob ng oragon kong Lolo. Pansinin na ang bintáas ng

kubol ay malimit na walang hagdan, samantalang ako ngayon, na di hamak na mas

bata sa kaniya noon ay hirap nang umakyat kahit sa may hagdan na mezzanine. Ang

Lolo Fermin Remoto ay lolo rin ni Danton Remoto; sayang at pareho kami hindi

nagmana ng kaniyang pagka-oragon. Ang bintáas ay maaaring nanggaling sa mga

salitang binitin sa itaas. Maaari ring panggalingan ang mga salitang bintana at itaas,

bagama’t ang bintana ay mula sa wikang Espanyol at ang kubol, na may bintáas, ay

walang bintana. Naniniwala akong may mga bintáas na ang mga kubo bago pa

dumating sa bansa ang mga mananakop na Kastila; d) kahalagahan ng salita: Sa

kasalukuyang problema ang tirahan ng dumaraming mamamayan, ang halaga ng mga

pabahay ng gobyerno at pribadong developer ay kailangang umagpang sa kakayahan

magbayad ng mga karaniwang empleyado. Kaya ang mga pabahay ngayon ay halos

kasinlaki na lamang ng mga bahay-kalapati noong araw, na kung tawagin ng mga

Espanyol ay casillas. Maraming low-cost housing ngayon na nagbabalatkayong

condominium. Ang nilalaman ng pinakasahig ay isang multi-purpose na parisukat na

salas-kainan-kusina; may isang maliit na palikuran, at ang tulugan ng mga tao ay

munting sahig na nakabitin sa pagitan ng bubong at salas, na malimit ay tawaging

mezzanine, ngunit sa totoo, sa wikang Filpino ay nararapat lamang tawaging bintáas.




                                                                                         7
   Kung sabagay, mas class kung sabihing nahuli ang Lolo ko na nakikipagtalik sa

   mezzanine, ngunit hindi angkop sa katutubong kaligiran ng bukid at hindi

   makatotohanan ang paglalarawan.



3. GIMATÁ—a1)pandiwa; b) kahulugan: magising, magkamalay, maunawaan, matanto

   buhat sa pagkakagupiling o sa pagtulog. Ang pagkakaiba ng gimatá sa agimadmád, na na

   kasama na sa Diksiyunaryong Filipino: Ang agimadmád ay pag-unawa na bunga ng

   pananaliksik o pagkatapos ng pagsusuri ng isang bagay o kaisipan; ang gimatá ay kusang

   pagkakaroon ng kamalayan mula sa pagkalingat, pagkaidlip o pagtulog. Sa Ingles, to

   become aware of; to have something dawn on you; to awaken to, to realize;

   c)etimolohiya: Ang gimata ay nagmula sa salitang mata—hindi ang bahagi ng katawan o

   ulo na nakakakita—kundi ang estado ng pagiging gising o may kamalayan. Halimbawa:

   “Nagimatá ako sa katotohanang matagal na pala niya akong pinagtataksilan. Nagimatán

   ko na ang kaugaliang pagmamano sa matatanda, kahit hindi kamag-anak.” “Nagimata

   ako ngayong umaga na ang agimadmad ay suob pa ng matamis na samyo ng pagtatalik

   natin kagabi.” May isa pang kahulugan ang Gimata: GIMATÁ—a2)pangngalan; b)

   kahulugan: ang lima hanggang anim na araw ng bagong buwan (new moon). Ito ang

   panahon na sinasamantala ng mga mangingisda na pumalaot dahil madilim ang paligid ng

   dagat; c) etimolohiya: Maaaring ihinahalintulad ng mga katutubong Bikolano ang buwan

   sa mata ng tao, at ang bagong buwan ay siyang simula ng pagbubukas ng mga mata, na

   siya pa lamang na pagsisimula ng liwanag. Ikinukuwento ng matatanda na ang panahon

   ng gimata ay hindi ganap na karimlan kundi karimlang mapusyaw. Kaya marahil ito ang

   ipinapalagay nilang pinakamagandang panahon ng pangingisda, dahil naaapuhap nila ang




                                                                                         8
   mga gamit sa ibabaw ng bangka, nang walang sulo o ilaw na de-gaas o de-kalburo, ngunit

   nananatili pa ring madilim ang ilalim ng tubig upang hindi maaninag ng isda ang bingwit

   o lambat. Sa madaling sabi, may anagag ng liwanag na sapat lamang upang makita ng

   mangingisda ang mga gamit niya at may karimlan ang tubig na sapat upang lumambong

   sa bingwit o lambat na panghuli ng isda. d) kahalagahan ng salita: Mahalagang

   maisama ang salitang gimata sa diksiyunaryong Filipino sapagkat may mga ibang

   konsepto ito at kahulugan kaysa kahawig na salitang gamit sa ibang rehiyon. Magagamit

   ang salitang gimata upang tumukoy sa natatanging panahong angkop upang mangisda sa

   laot ng dagat. Noong kami’y bata pa at mahilig maglaro sa kalsada kung gabi, naaalala

   kong mas gusto naming mga binatilyo na magpatentero kung gimata kaysa kung

   kabilugan ng buwan. Kung panahon ng gimata ay maaaninag mo pa rin ang kalaro na

   hahabulin at tatagain. Ngunit may lambong na ng karimlan upang hindi mahalata ng

   magandang dalagita na habol-habol mo kung tatagain mo nga siya o yayakapin. At

   marahil maaari ring mapag-aralan ang gimata upang malaman kung anong mga hayop sa

   gubat ang madaling hulihin kapag gimata.



4. ILÁWOD—a) pangngalan; b) kahulugan: patungo sa laot, paayon sa agos ng tubig

   (downstream), pababa ng dagat mula sa kaitaasan, mababang pook. Ipinagkakahulugan

   din ito sa hanging patungong Kanluran (west wind); c)etimolohiya: Ang salitang ugat ay

   lawód, na sa wikang Filipino ay laot, samakatuwid ay pababa o patungo sa ibaba. Ang

   mga taong naninirahan sa paanan ng bundok, sa tabi ng ilog o sa pampang ng dagat ay

   tinatawag na taga-ilawod. Ang taong umaakyat ng bundok ay sinasabing nanggaling sa

   ilawod. Ang kasalungat na salita (antonym) ng ilawod ay iraya o ilaya. Noong unang




                                                                                           9
   panahon, ang mga tao ay kalimitang naglalakbay sa pamamagitan ng tubig. Ito ang

   pinakamadaling paraan ng paglalakbay, lalo na kapag pababa at paayon sa natural na

   agos ng tubig. Napakahirap ang maglakbay sa lupa dahil wala pang mga kalsada noon at

   ito’y nangangahulugan ng paglalakad sa magugubat na pook na malimit ay tahanan ng

   mababangis na hayop at mga taong mandarambong. Ito rin ang dahilan kung bakit

   karamihan sa mga baranggay noon ay nasa tabi ng mga ilog at pampang ng dagat.

   Karamihan sa mga mauunlad na tribo ay mga taga-ilog (Tagalog) o mandaragat, dahil

   madali sa kanilang maglakbay at makipagkalakalan sa ibang tribo o kumunidad, na nasa

   tabi rin ng ilog at pampang ng dagat. Kaya masasabing ang sibilisasyon ay totoong

   nagsimula sa ilawod. Nagsimula lamang umakyat ng matataas na pook ang mga tao

   upang makaiwas sa panganib, katulad ng kalimitang pagbaha at sungit ng dagat; ganoon

   din nang sila’y simulang salakayin ng mga pirata at nang dumating ang mga mananakop

   na Kastila. May mga umakyat din ng bundok bungsod ng mapagsapalarang isip. Nakita

   ng tao na bukod sa mga isda at pagkaing nahuhuli sa tubig ay may mga hayop din naman

   sa gubat na maaaring hulihin at kainin. At natuklasan na rin nila ang pagtatanim o ang

   agrikultura. Hindi nagtagal ang mga tao ay nahati sa mga taga-ilawod at mga taga-iraya.

   d) kahalagahan ng salita: Mahalagang maisama ang salitang ilawod sa diksiyunaryong

   Filipino dahil naglalarawan ito ng bahagi ng kaligiran na tutukoy sa mabababang pook at

   sa pagkakaiba nito sa kabundukan o ilaya.



5. RAWITDÁWIT— a) pangalan; c) kahulugan: tula, dalit berso, poem; c) etimolohiya:

   Mula sa sinaunang wikang Bikol, ang rawitdawit (walang gitling) ay mga salitang

   mabulaklak at maligoy na nanggagaling sa isang taong madaldal, matabil, magaslaw at




                                                                                            10
hindi mapigilan ang dila. Literal na salin ng rawitdawit, halimbawa sa ilang dialect ng

Rinconada, ay satsat o daldal. Ang salitang rawitdawit ay maaari ring nanggaling sa

salitang rawi’ na nangangahulugang “sugot” (biro o tukso, to tease or to joke with), na

may karugtong na “hindi/di awit”; sa kabuuan ang ibig sabihin ay satsat lamang at hindi

matinong awit. Sinasabing noong unang panahon ang mga rawitdawit ay karaniwang

maiikling diskurso na mabida, maligoy, at mabulaklak na mga pananalitang ang pakay ay

pagpugayan ang isang magandang dilag o tudyuin ang isang nagkukunwaring magaling.

Nang tumagal, ang rawitdawit ay naging isang anyo ng literaturang Bikol na sinimulang

isulat at tuloy nagkaroon ng anyo at porma at tumulad na sa mga tula, berso at awit.

Marami sa mga unang rawitdawit ay tungkol sa pag-ibig at pangungulila, katulad nito:

“Màwot ko pa man daw/ Pagkugos-kugoson/ Ikang pighihidaw/ Paghulid sa hapon” Sa

Filipino: “Pangarap kong sa tuwina/ Ikaw ay yakap-yakapin/ sapagkat nangungulila/

pagsapit ng takipsilim” May rawitdawit ding tungkol sa kapalaran ng buhay: “Daing

aksidente sa buhay kan tawo/ May tuyo an kada pag-iro kan mundo/ Dai matatakdag sa

sanga an dahon/ Dawa bagyuhon kun dai sa panahon/ May taob an dagat pagsirang kan

bulan/ Dawa dai lubos na nasasabutan” Salin sa Filipino: “Walang aksidente sa buhay

ng tao/ May dahilan ang bawat inog ng mundo/ Hindi malalagas sa tangkay ang dahon/

Kahit bagyuhin kung wala sa panahon/ Aapaw ang dagat pagsikat ng buwan/ Kahit hindi

natin nauunawaan.” May rawitdawit ding tungkol sa pagtanda: “Nata kun nuarin ika

naggugurang/ Saka puro aki an kapalibutan/ Sain man kumiling kagagayon sana/ Kan

nakapalibot na mga daraga/ Dangan an makulog sa puso, sa payo/ Pagka naduotan o

nasa’gidan mo/ Dai man malikay, dai man maribok/ Gari nanunuksong sagin man

mali’od/ Namamatian daw, naaagimadmad/ Kun ika talagang dai nang kamandag?.”




                                                                                          11
   Salin sa Filipino: “Bakit kung kailan ika’y tumatanda/ Saka ang paligid lalong bumabata/

   Saan man bumaling mukhang paraluman/ ang nakapaligid na kababaihan/ At ang

   masakit pa sa ulo’t sa puso/ Kapag nasagi mo o kaya’y nahipo/ Hindi man iiwas, hindi

   man kikibo/ Ngingiti pang tila nanunuksong lalo/ Nakikilatis ba o naaaninag/ Na ikaw ay

   sadyang wala nang kamandag?” Sa ngayon ang rawitdawit ay isa nang matatag na

   literaturang Bikol na ginagamit sa pagtalakay sa iba’t ibang kalagayan ng buhay;

   d)kahalagahan ng salita: Mahalagang maisama ang salitang rawitdawit sa wikang

   pambansa upang siyang tumukoy sa isang natatanging literaturang Bikol at sa mga tulang

   nakasulat sa wikang Bikol.



6. SALIMAGYÓ—a) pangngalan; b) kahulugan: badya ng bagyo, sigwa, malakas na

   ihip ng hangin (the onset of tempest, storm, gale); c) etimolohiya: Ang salita ay galing sa

   sáli (to flaunt, ostentatious display) at bagyò (storm, typhoon), samakatuwid ito ang

   unang paglakas ng hangin na nagpapahiwatig na maaaring magkaroon ng bagyo.

   Tumutukoy din ito sa biglang unos o biglang hagupit ng hangin na akala mo’y bigla ka na

   lamang binulaga ng bagyo ngunit dagli rin namang humupa. Kaya maaari rin itong

   tawaging dagling bagyo. Popular na salita ito sa pulo ng Catanduanes, na napakalimit

   daanan ng bagyo. Naranasan ko ang salimagyo nang huling nakaraang ika-5 ng

   Nobyembre, pagkatapos naming mag-lecture sa Kapitolyo ng Virac, Catanduanes ay

   inanyayahan kami ni Gobernador Joseph Cua sa kaniyang Twin Rock Beach Resort sa

   labasan lamang ng Virac. Habang nagsisimula kaming dumighay-dighay sa napakasarap

   na hapunang mga mala-higanteng alimango at sugpo, at nagsimula nang tumungga ng

   beer, ay walang kaabog-abog na biglang bumagsak ang ulan na sinundan ng napakalakas




                                                                                           12
     na hanging tumuklap sa toldang panangga sa ulan. Bago kami nakatayo ay nagtumbahan

     na’t gumulong sa mesa ang mga baso’t bote ng beer. Nagtakbuhan kami papasok sa

     pinaka-tindahang yari sa kongkretong dingding at yerong bubong. Ngunit bago kami

     nakapuwesto sa mga mesa’t upuang bakal ay parang nagdahilan lamang na humupa ang

     unos at ang naiwan ay tikatik na ulan. Natatawang kinantyawan kami ng mga taga-

     Catanduanes. “Kaunting salimagyo, nasindak ang mga taga-Maynila.”; d) kahalagahan

     ng salita: Kung maisasama sa diksiyunaryo ang salitang salimagyo, magkakaroon ng

     salitang aangkop sa paglalarawan ng bugso ng hangin na nasa pagitan ng banayad na ihip

     at ng malakas na unos. Sa gayon, hindi na lamang panay bagyo, sigwa o unos ang

     ginagamit. Isang magandang halimbawa ng salin ng unang saknong ng tulang Canto del

     Viajero ni Jose Rizal: “Hoja seca que cuela indecisa/ Y arrebata violente turbión/ Asi

     vive en la tierra el viajero/ Sin norte, sin alma, sin patria ni amor.” Ito ay malimit na

     isinasalin sa Tagalog nang ganito: “Kagaya ng dahong nalanta, nalagas/ Sinisiklut-siklot

     ng hanging marahas/ Abang manlalakbay ay wala nang liyag/ Layunin, kaluwa't bayang

     matatawag.” Sa aking palagay ay mas angkop ang salin sa Bikol na ganito: “An alang na

     dahon lagalag na gayo/ Ipiglayog-layog ka’ning salimagyo/ Siring man sa mundo an

     buhay b’yahero/ Daing giya, kalag, daga, o pagmangno” Ang “hanging marahas” sa

     Tagalog ay maaari nang palitan ng salimagyo, na isang salita lamang.



7.   SÛBANGAN—a) pangngalan; b) kahulugan: Ang silangang bahagi ng papawirin na

     sinisikatan ng araw at ng buwan, Silangan, ang pook na unang kinakikitaan ng pagsikat

     ng araw at ng buwan; c) etimolohiya: Ang salita ay nanggaling sa sûbang, (to rise, to go

     upstream). Ang Sûbangan kung minsan ay nagsisimula sa malaking titik upang




                                                                                                 13
   ipahiwatig na ito ang Silangan (the East). Halimbawa: Kulay pula ng itlog ang araw na

   nakasungaw sa Sûbangan. Ginagamit ang sûbangan na nagsisimula sa maliit na titik

   kung tinutukoy ang bahagi ng ilog na ang mga isda ay lumalangoy pasalubong sa agos ng

   tubig. Ang kasalungat na salita ng Sûbangan ay Sulnópan (the West) na lubugan ng araw

   at ng buwan; d) kahalagahan ng salita: Mahalagang makasama ang salitang Sûbangan

   upang magkaroon ng salitang tutukoy sa tanging bahagi ng Silangan na sinisikatan ng

   araw ganoon din sa bahagi ng ilog na nilalanguyan ng isda pasalubong sa agos ng tubig.



8. SULNÓPAN—a) pangngalan; b) kahulugan: Ang kanlurang bahagi ng papawirin na

   nilulubugan ng araw at ng buwan, Kanluran, ang pook na dahan-dahang nilulubugan ng

   araw at ng buwan; c) etimolohiya: Ang salita ay nanggaling sa sulnóp (to hide from view,

   to disappear from view). Ang Sulnópan kung minsan ay nagsisimula sa malaking titik

   upang ipahiwatig na ito ang Kanluran (the West). Halimbawa: Nagkukulay dugo ang

   anagag ng araw sa Sulnópan; d) kahalagahan ng salita: Mahalagang makasama ang

   salitang Sulnópan upang magkaroon ng salitang tutukoy sa tanging bahagi ng kanluran na

   nilulubugan ng araw.



9. TALÍNGKAS, KATALÍNGKASAN—a) pangngalan; b) kahulugan: malaya (free),

   kalayaan (freedom); c)etimolohiya: Ang ugat na salitang talíngkas ay mula sa tangkas

   (tanggal, hiwalay, hindi nakakabit; disconnected, disenggaged). Sa 1865 edition ng

   Vocabolario de la lengua bicol ni Marcos de Lisboa ay may nakatala na salitang Bikol na

   talikála, na ang kahulugan ay cadena. Katulad ito ng tanikala ng mga Tagalog. Kung

   ganoon, ang talingkas na Bikol ay maaaring nagmula sa “tangkas na talikala” o kaya ay




                                                                                           14
   “talikalang tangkas.” Ang katalíngkasan ay malimit na ginagamit ng mga Bikolano sa

   rawitdawit, tigsik at sa iba pang anyo ng literatura. Ang salita ay malimit ding gamitin ng

   mga nanunungkulan sa gobyerno at ng mga politiko sa opisyal na kalatas at sa mga

   talumpati. Halimbawa: “An katalíngkasan daing kamugtakan kun dai kita makatalingkas

   sa pagtios” Ang salin sa Filipino: Walang halaga ang kalayaan kung hindi tayo

   makawala sa kahirapan. Hindi ginagamit ang katalíngkasan sa relasyon ng mag-asawa o

   ng magkasintahan. Asiwa at kakatwa kung ganito ang gamit ng salita: Ipagkaloob mo sa

   akin ang katalíngkasan sapagkat may iba na akong mahal. Mas angkop gamitin ang

   salitang bulag o siblag (hiwalay); d) kahalagahan ng salita: Ang salitang kalayaan ng

   mga Tagalog ay mula sa salitang ugat na laya, na nagpapahiwatig ng kawalan ng kontrol,

   kawalan ng nakikialam at karapatang gawin ang nais. Hindi ito nangangahulugan ng

   pagkaalpas mula sa pagkatanikala o pagkapiit o pagkatanggal ng tali na pumipigil sa

   isang tao upang gawin ang nais niyang gawin nang walang hahadlang. Kung kaya higit

   na angkop ang salitang talingkas o katalíngkasan sa paglalarawan ng isang taong napiit o

   isang bansang sinakop na ngayon ay malayang nakapagsasarili.




10. TIGSÍK—a)pangngalan; b) kahulugan: tagay o parangal (toast), puna (banter,

   satirical remark) o pasaring (whimsical or puzzling remark); c) etimolohiya: Ang tigsik

   ay isang uri ng literaturang Bikol na pabigkas (oral literature), maikli, daglian, na

   kalimitan ay tatlo hanggang limang taludtod at may tugma. Noong unang panahon, bago

   dumating ang mga mananakop, ang mga katutubong Bikolano ay nakaugalian na

   magkaroon ng mga kasiyahan kapag may namamanhikan, magkasintahang pinag-iisang




                                                                                            15
dibdib o may bagong silang na sanggol. Ang tawag sa mga pagdiriwang na ito—na

malimit ay kasama ang inuman ng nakalalasing na tuba o lambanog—ay ABATÁYO. Sa

ganitong pagdiriwang, ang mga manginginom na naghahalong lalaki at babae ay

nakapaligid sa isang mesa at umiinom sa iisang daod, bao, kopita o maliit na baso at

pinagpapasa-pasahan ang baso. Ang unang tinagayan ng inumin ay obligadong itaas

muna ang baso at bumigkas ng tigsik bago tunggain ang tuba. Ang iinom na rin ang pipili

ng paksa ng tigsik. Kung kasal, ang paksa ay malimit parangal sa mag-kasintahang pinag-

isang puso; kung binyagan ay tinitigsik ang bata o ang mga magulang na may gawa ng

bata. Pagkatapos tumigsik ay tutungain ang tuba, kailangang ubusin ang laman, kung

hindi ay tatagayan siya ng isa pang baso at kailangan niyang muling tumigsik. Pag

natungga na ang tuba, ipapasa ang baso sa katabi, tatagayan at siya naman ang susunod

na titigsik. Ang tigsik ay palaging nagsisimula sa mga salitang “Tinigsik ko

ang/si/ikaw/itong/iyang/iyong/kayong…” at ang karugtong ay ang simunò o ang paksang

tatalakayin. Ganito ang pinakapopular na tigsik: “Tinigsik ko an baso/ Tubig-apoy ang

laman nito/ Bumilang ka ng tatlo/ Ang laman uubusin ko” sabay tungga ng alak. Malimit

ay biglaan ang pagbikas at nagiging sukatan ito ng talas ng pag-iisip at galing sa

paggamit ng mabulaklak na salita. Nang tumagal hindi lamang parangal ang tigsik,

nagiging puna o pagbatikos na rin, pasaring ng kabastusan, pagbibiro, politika, relihiyon,

pahiwatig ng pag-ibig at kung ano-ano na lang. Halimbawa: “Tinigsik ko ikaw na

tumitigsik/ Tigsik ka nang tigsik/ Mata mo’y nanlilisik/Laway mo’y tumitilamsik”

Nagiging masaya ang pagdiriwang kung sagutan ang tigsik: “Tinigsik ko ang aking

tandang/ Saan man isabong palaging palaban/ Matapang, malakas ang katawan/

Pagsalpok tusok ang kalaban” At may sasagot: “Tinigsik ko ang totoo mong tandang/




                                                                                        16
       Kapag mabalahibo ang kalaban/ Kahit himasin ayaw manindigan/ Nanlalambot at ayaw

       nang lumaban.” Pagdaan ng mga taon, ang makabagong tigsik ay nakibagay na rin sa

       mga tulang may takdang anyo, sukat at rima. Kapag may tigsikan, pinaghahandaan na at

       isinusulat ang tigsik. May mga manunulat na nilapatan na ng sukat ang tigsík. Ang isang

       magaling na tigsik ay inaasahang matanlinhaga, angkop sa pinararangalan, nakaaaliw

       pakinggan, at kalimitan ay may kabulastugang mahirap makalimutan. Ang salitang tigsik

       ay kinamulatan na ng maraming Bikolano. May nagsasabing ang ugat na mga salita ay

       tigis ( to pour liquid into a cup) at sikrap (sulyap, to take a quick glimpse of). Ang sabi

       naman ng iba ay pinaikling tigsisikrap (an attempt to take a quick glance at). Maaaring

       tanggapin ang dalawang paniniwalang ito dahil ang tigsik ay totoong isang napakaikling

       sulyap o irap pa man din sa isang bagay na dapat pag-ukulan ng pansin—pagkatapos

       tagayan ng inumin at bago inumin ang laman ng hawak na baso; d) kahalagahan ng

       salita: Ang tigsik ay salitang tutukoy sa natatanging anyo ng literaturang Bikolnon na

       daglian at pabigkas. Maaaring masabing kahawig ito ng sinaunang dalit ng mga Tagalog,

       subalit kaiba dahil may simuno o tiyak na paksang tahasang tinatalakay, at ang

       pagtalakay ay palaging sa pamamaraang tiyak, sadya, matalinhaga, makahulugan,

       makabuluhan, may kabulastugan at nakakatuwa. Magagamit din ang salita upang

       tumukoy sa mga maiikling tagay, puna o pasaring na matalinhaga, makahulugan, at

       nakaaaliw pakinggan.



Marami pang ibang salitang Bikol na dapat masali sa korpus ng Wikang Pambansa. Ang kulang

lamang ay ang panahon sa pulong na ito upang ipahayag ang iba pang magagandang salitang

mapupulot sa anim na malakihang diyalekto ng Wikang Bikol. Naniniwala ako na marami pang




                                                                                                     17
ibang panahon at pagkakataon upang tayo ay mag-ambagan ng mga salitang magpapayaman sa

isang wikang nararapat lamang na paglagakan ng lahat ng kaalaman ng lahing Filipino.

Naniniwala ako na darating ang panahon ang pambansang literatura ay isusulat sa isang wika

lamang. Naniniwala rin ako na sa pagpapayaman ng isang Wikang Pambansa ay hindi

mamamatay, bagkus kasamang yayaman, ang mga wika ng mga rehiyon ng ating bansa.

Naniniwala ako na tatatag lamang ang ating bansa kung nagkakaisa tayo at nagkakaunawaan sa

pamamagitang iisang Wikang Pambansa.




                                                                                             18

				
DOCUMENT INFO
Shared By:
Categories:
Tags:
Stats:
views:11
posted:1/11/2013
language:
pages:18