MGA GRUPONG
ETNOLINGGWISTIKO
SA LUZON AT MINDORO :
KASAYSAYAN AT KAMALAYANG PAMBANSA*
Mary Jane B. Rodriguez-Tatel
Ang Pilipino bilang “Tribu” “Pagano” at “Nativo”: Ilang Usaping Pangkabansaan
―Tribus independientes” … ―a collection of tribes‖ –ganito inilarawan ng mga
kolonyalistang Espanyol at Amerikano ang mga Pilipino upang pangatwiranan ang
kanilang mga agendang kolonyal sa Pilipinas. Partikular na nang pasukin at
panghimasukan tayo ng mga Amerikano sa kasagsagan ng ating laban para sa pagsasarili.
Dahil nga mga tribu lang at hindi nasyon-estado, wala pa diumano tayong kakayanan at
karapatang lumaya at magbuo ng isang bansa. Ilang buwan matapos mahuli si Presidente
Aguinaldo at bumagsak ang sentral na liderato ng Rebolusyon, itinatag ng mga bagong
mananakop ang Kagawaran ng mga Di-Kristiyanong Tribu noong Oktubre 2, 1901 (na
naging Ethnological Survey noong 1905?). Alinsunod ito sa programa (basahin:
propaganda) ng Mapagpalang Asimilasyon (―Benevolent Assimilation‖) ng mga
Amerikano na maipaloob sa bersyon nila ng ―sibilisasyon‖ ang lahat ng mga tao sa
Pilipinas. Isang kabalintunaang habang inaakay diumano nila tayo pataas sa landas ng
pag-unlad, bumababa naman ang tingin natin sa ating identidad. At lalo tayong
pinagwawatak-watak. May dalawang uri ng tribu sa Pilipinas ayon sa mga Amerikano
noong panahong iyon. Kristiyano at di-Kristiyano. Sa katunayan, eupemismo lamang
ang mga katagang ito sa mga tinutukoy nilang ―civilized‖ (Kristiyano) at ―wild
population‖ (ang di-Kristiyano). Hindi Kristiyanong tribu ang itinawag sa mga
katutubong naninirahan sa kabundukan ng kapuluan at sa mga Muslim ng Mindanao.
Galing kay Dean Worcester ang bansag na ito. Noo‘y dating Kalihim ng Departamento
ng Interyor , ipinanukala niyang higit na akmang gamitin, wika nga‘y politically correct,
ang katawang ―non-Christian‖ kaysa ―pagan,‖ ―wild men‖ o ―savages‖. Mayroon daw
naman sa kanilang may relihiyon, gaya ng mga Muslim kung kaya‘t hindi uubra ang
katagang ―pagano.‖ At hindi rin naman talaga sila ―wild‖ sapagkat ani, Worcester,
―quite gentle‖ naman daw ang iba gaya ng kanilang mga kalapit-bayang Kristiyano.
Kahit ano pa ang idahilan ni Worcester, sa mata ng mga Amerikano, higit na
nakabibighani ang salitang ―di-Kristiyano‖ sapagkat lumilikha ito ng isang interesateng
imahen, ―natural,‖ ―dalisay‖ at ―eksotiko‖ laluna para sa agenda nila ng eksplorasyon sa
ngalan ng mga relihiyosong misyon at kultural/etnolohikal na eksibisyon. Mga bago
itong prontera na katakam-takam para sa mapanuklas at adbenturerong dayuhan. At
gayun na nga ang nangyari. Sa masigasig na paggagalugad ng mga Amerikano sa iba‘t
ibang sulok ng kapuluan para sa diumano‘y siyentipikong imbestigasyon at pag-aaral sa
mga tao sa Pilipinas sanlibo‘t isang laksa ang nalikhang grupong etniko. Masidhing
―ethnic differentiation‖—ito ang naging kagyat na epekto ng mga sarbey etnolohikal.
Tiningnan ang mga grupo na likas na magkakaiba at magkakahiwalay alinsunod sa
*
Papel na inihanda para sa Ikatlong Pambansang Seminar-Workshop ng BAKAS, Miriam
College, Abril 18, 2005.
2
isinamitong mga alon ng magkakahiwalay na migrasyon. Sa ganang ito,
ininstitusyonalisa ang katagang ―tribu‖ para tukuyin ang mga tao sa Pilipinas. Sa mga
publikasyon ng Ethnological Survey, Philippine Journal of Science (ng Departamento ng
Interyor), National Geographic Magazine, American Anthropologist, at iba pang mga
akdang kolonyal, itinanghal ang mga imahen ng ―primitive Philippine tribes,‖ ―noble
savages,‖ ―savage getlemen,‖ ―head-hunters of northern Luzon.‖ Bukod sa mga di-
sibilisado, lagi pa silang nag-aaway-away. Kung tutuusin, halos wala namang ikinaiba
ang mga etnograpiya ng mga Amerikano sa mga noticia at memoria—mga kronika ng
mga Espanyol nang dumating sila sa kapuluan. Gayundin ang tono at tema: mga ―gentes
salvajes‖ tayo kung kaya‘t kinailangan nating binyagan. Kristiyanismong nakasakay sa
kolonyalismo ang isinubo sa atin upang makarating sa sibilisasyon. Gaya ng mga
Amerikano, nagsilbi rin ang mga Espanyol na mga ―liberator‖ sa panahong iyon.
Pinalaya rin daw nila tayo sa pang-aalipin ng dating mga datu, at pang-aalipin ng diablo
(sa bisa ng paganismo). Bukod dito hindi pa rin diumano nakaabot ang mga sinaunang
Pilipino sa mataas na antas ng institusyong pulitikal. Liban na lamang sa katimugan ng
Pilipinas, nakaorganisa pa rin daw tayo sa kadalasa‘y hiwa-hiwalay at nag-aaway-away
na ―maliliit na yunit-pangkamag-anakan o barangay.‖ 1 Kulang-kulang na apat na siglo
ang nagdaan sa pagitan ng dalawang kolonyalismo. Maliwanag na sa mata ng mga
kolonisador istatiko o halos di-gumagalaw ang lipunan at kalinangang Pilipino sa
napakatagal na panahong ito. ―Tribu‖ at ―primitibo‖ na noon pa mang siglo 16, ―tribu‖
at ―primitibo‖ pa rin noong siglo 20. Kung ang kasaysayan ay isang proseso ng
pagsulong, sa mga paglalarawan, kasama na ang kanilang paratang sa ating mga Pilipino,
tila wala tayong kasaysayan. Naroon lamang tayo bilang obhetong kailangang
manipulahin ng mga dayuhan para gumalaw. Pero sa dalawang kolonyalismo higit na
masahol ang nalikhang sugat ng Amerikano tungkol sa ating kakanyahan at kabansaan.
Dahil na rin sa napakabisang (basahin: tusong) istratehiya nila ng pananakop, higit na
sistematiko at siyentipiko. At ang kanilang magnum opus—ang penetrasyon ng mga
kabundukan at Kamindanawan –na siyang mga huling prontera ng kanilang kolonya sa
kapuluan. Masahol sapagkat naipatanggap nila sa mga Pilipino ang kanilang pananaw at
kamalayan sa mga bagay-bagay bilang totoo at katotohanan. Halimbawa, minsa‘y
nabanggit ng nasirang Carlos P. Romulo na ang mga Igorot ay hindi Filipino. Hanggang
ngayon ―tribu‖ pa rin ang tawag sa mga grupo sa kabundukan. ―Tribal Filipinos‖ pa nga.
Ano ang ibig sabihin nito? Filipino pero primitibo? At maski na sa mga hanay ng mga
Igorot at iba pang grupong Lumad sa Mindanao, tanggap na rin nila ito. ―Tribal war‖ nga
ang taguri nila sa kung tutuusin ay awayan ng mga angkan o bayan sa kanilang lugar.
Pati na ang katagang ―katutubo‖ nakalilito. Katutubo ka ‗pag kabilang ka sa
tinataguriang ―tribal Filipinos‖ . Pero ang mga Tagalog, Ilokano at Kapampangang
ipinanganak at lumaki sa kani-kanilang mga bayan, ano sila? Hindi rin ba sila ―katutubo‖
sa kani-kanilang lugar? Pasintabi sa tula ni Gat Andres Bonifacio, ―Pag-ibig sa
Tinubuang Lupa‖ sa dami ng tumatanggi, sapagkat nahihiyang tawagin silang katutubo.
Dangan kasi‘y stigma o bakas ng mga kolonyal na katagang ――nativo‖ ―naturales‖ o
―Indio‖ ―indigen‖ at ―indigenous‖ ang nananalaytay sa katagang ito. ―Katutubo‖ sa
harap nino? Syempre ng mga dayo. Pero kapag tayo-tayong mga taga-loob ang nag-
1
John Leddy Phelan, The Hispanization of the Philippines. University of
Wisconsin Press, 1959; muling inilimbag ng Cachos Hermanos, Inc. 1985, pah. 9, 15-16.
3
uusap-usap, kabalintunaang tawagin pang katutubo ang mga kababayan natin. Liban na
nga lang kung gusto nating mag-astang dayuhan sa sariling bayan. At kaakibat sa
paglibak sa taguring ―nativo‖ /‖katutubo‖ ay ang paghamak sa ating kalinangang bayan
na nag-ugat sa ating kakanyahan. Madalas tinitingnan na kailangang mapawi ang
pagka-etniko o pagka-katutubo para mapaloob sa tinatawag na ―dominant culture.‖ Ito
ang depenisyon ng integrasyon—siyang-siya, walang ikinaiba sa mga programang pang-
integrasyon ng mga kolonisador isang dantaon na ang nakararaan. Maging ang katagang
―dominant culture‖ ng umiiral na diskurso ng etnisidad, ay mapanghati (divisive) at
mapanaklaw (hegemonizing). Ipinahihiwatig lamang nito na ang ―dominant culture‖ ay
sadyang taliwas sa kalinangang etniko/bayan ng mga grupong ito. Sa ganitong pagtataya,
ang kulturang nasyunal ay tila hindi kumakatawan sa iba‘t ibang grupong etniko. At ang
mga kalinangang etniko ay hindi talaga pundamental na bahagi ng kulturang nasyunal.
Sa madaling sabi, kung magpapaka-Pilipino ka, kailangang mapawi ang pagka-Kankana-
ey mo. Wala yata sa katwiran ang lohika nito. Paano magkakaroon ng isang bansang
nakaugat mismo sa mga kalinangang bayan kung saan ang pagka-Iloko, pagka-Itneg,
pagka-Pangasinense at kung anu-ano pa ay hindi tinitingnang hadlang sa pagka-Pilipino?
Samakatuwid, pinatingkad ng mga karanasang kolonyal ang ating pagkakaiba-iba
na lagi nang sinasangkalan upang tayo‘y paghiwa-hiwalayin. At nagsanga-sanga na ang
problema. Nariyan ang rehiyonalismo na dagliang nag-aapoy sa kanti ng mga isyung
pangwika, halimbawa. Ang Tagalog vs. Cebuano at iba pang lingua franca sa Pilipinas.
―Cultural chauvinism‖ ang ipinaparatang ng mga di-Tagalog sa mga Tagalog. Maging
sa isyu ng kabayanihan, madalas pinagsasabong sina Bonifacio at Rizal, Aguinaldo at
Bonifacio, na karaniwang humahantong sa mga kagalitan ng mga delegado sa isang
pambansang kumperensyang ang paksa‘y pagbubuo at pagkakaisa. Tuloy nakakaligtaang
hindi lamang naman ang mga bayaning ito ang bayani ng bayan. Hindi lamang
monopolyo ng mga Tagalog ang kabayanihan. Halimbawa, sino ang nakakikilala kina
Amkidit ng Benguet o di kaya‘y kay Macliing-Dulag ng Kalinga; gayundin kay Isabelo
Abaya ng Candon Ilocos Sur na tinatagurian pa ngang ―Andres Bonifacio ng Ilocos‖
upang maging popular lamang. ―Pinagtilad-tilad,‖ wika nga ni Ponciano P. Pineda sa
kanyang tula. ―Ang Ilokano ay Ilokano; ang Tagalog ay Tagalog; ang Kapampangan ay
Kapampangan…‖ sa pagpapatuloy ng tula. Pero wala yatang ―ang Mangyan ay
Mangyan; ang Ifugao ay Ifugao; at iba pang grupo sa mga kabundukan. Problematiko
rin ang gamit ng mga katagang ―majority‖ at ―minority.‖ Kung pupunta tayong mga
taga-Maynila sa Mt. Province, naturalmente, hindi tayo ang ―majority.‖ Sa ganang ito
may kulay ng pulitika ang nasabing mga klasipikasyon. Ang ―mayorya‖ ay hindi basta
nangangahulugang nakararami, kundi ―ang nakapangyayari‖—yaong kumokontrol at
nagtatakda ng pamantayan. Sa Cordillera, halimbawa, sila ang nakararami subalit hindi
nakapangyayari. Gayundin naman ang kaso sa panahong kolonyal. Ang mga ―Indio‖
ang nakararami subalit ang mga Kastila o Amerikano ang naghahari. Natapos man ang
panahon ng kolonyalismo subalit hindi ang trahedyang iniwan nito, partikular na sa
larangang pangkaisipan ng mga dating kolonisado. Minana ng sentro (ang luklukan ng
―mayorya‖), at patuloy na pinaiiral nito ang mapagtangi at mapagbukod (exclusivist) na
paraan ng pagtatakda para sa kabuuan. Pagkatapos ng mga rehimeng kolonyal may
itinampok tayong nasyong Filipinong nasa imahen o anino ng dating kolonisador. Sa
4
bahaging ito, mahalagang banggitin ang winika ng nasirang William Henry Scott sa
kanyang artikulong ―The Creation of a Cultural Minority‖:
…by the magic of colonial alchemy, those who changed most
became today‘s Filipinos while those who changed least were actuaaly
denied this designation. In this way a cultural minority was created where
none had existed.
At upang higit daw na maging ―politically correct‖ palitan na lamang ang minority ng
―cultural community.‖ Pero malabo rin ang katagang ito sapagkat lahat ng komunidad
sa Pilipinas, sa kapatagan man o kabundukan ay ―kultural‖. Hindi uubra ang ganitong
mabulaklak na salita (euphemism) upang itago pa ang hayag nang pag-alipusta sa mga
Pilipinong malayo sa mga itinakdang sentro ng urbanisasyon. Sa pag-uuri-uri pa lang sa
mga Pilipino sa mga katawagang nabanggit sa itaas, hayagan nang itinatampok ang
pagtatangi o pagbubukod sa iba--maliwanag na pag-eetsa-pwera (―othering‖ sa Ingles).
Kung gayon nagpapatuloy pa rin nga talaga ang kolonyalismo. At mas buhay at totoo
pa nga ang multo nito.
Bilang paglalagom sa puntong ito, apat na lebel ang anyo ng dikotomiyang
bumabalabal sa isyu ng etnisidad na integral sa mas malawak na usapin ng kabansaan.
Una, ang dikotomiyang kapatagan-kabundukan . Ikalawa, sa loob mismo ng isang bayan:
ang sentro vs. baryo (kanayunan/kagiliran). Ikatlo, inter-etnikong hidwaan (a.k.a.
rehiyonalismo). At ikaapat, ang kulturang nasyunal vs. kalinangang bayan, kaangkla ang
sosyo-ekonomikong usapin ng elite vs. bayan. Sa ganitong senaryo, paano natin pag-
uusapan ang pagbubuo ng bansa?
Pilipino Sa-laud at Sa-raya: Pagkakaugnay-ugnay at Pag-uugnay-ugnay
―Kung pagkakaisa ang hinahanap natin, commonalities ang ating tukuyin.‖
--Edilberto N. Alegre
Hindi mapasusubalian ang kagyat na pagkakaiba-iba ng mga grupong
etnolinggwistiko sa kapuluan. Gayundin naman, hindi matatawaran ang katotohanang
sinamantala ito ng mga kolonisador upang magkapuwang ang kanilang agendang
kolonyal. Kung kaya, kung nais nating lumaya sa artipisyal na kabuuang nilikha ng
kolonyalismo, marapat lamang na itampok ang ating pagkakatulad o kundi ma‘y ang
ating pagkakaugnay-ugnay . Anupa‘t bagama‘t may mga ispesipiko tayong pagkakaiba-
iba maraming batayan ng ugnayan. Ang pagkakaisang namamarali sa kapuluan ay hindi
dapat ibatay sa unipormidad o absolutong pagkakapare-pareho. Wala po nito; kahit nga
ang kambal nagkakaiba rin sa maraming mga bagay. Ang mga grupo pa kaya?
Kapwa likas at likha ang mga batayan ng ugnayan. Likas, ibig sabihin, may
pagkakaugnay-ugnay na tayo sa bisa ng paninirahan natin sa isang pangkapuluang
kapaligiran. Likha, ibig sabihin, habang tinutugunan natin ang samu‘t saring hamon para
5
mabuhay, nag-ugnay-ugnay tayo. Bumubuo ng isang angkan o kamag-anakan ang
dalawang grupong nagpangasawahan. Halimbawa, inuugat ng maraming mga taga-
Candon, Ilocos Sur ang kanilang lipi sa mga Kankanaey ng Sagada, Mountain Province.
At ito ang isa sa magpapaliwanag sa nangyaring partisipasyon ng huli sa Rebolusyong
Pilipino noong siglo 19. Nakikapagpalitan ng mga kalakal ang mga magkakalapit-bayan
upang matugunan ang iba-iba nilang pangangailangan. At kung hindi na madaan sa
maayos na paraan ang mga transaksyon, nagkakaroon din ng mga digmaan o labanan na
nagbibigay-daan naman sa mga kasunduang pulitikal at pangkapayapaan, mas kilala sa
tawag na vochong/bodong (kalinga), pechen (Bontok), beddeng (Iloko) at pakang
(Manobo). Sa lahat ng ito, nagkakahugpong-hugpong ang mga karanasan natin dito sa
kapuluan sa agos ng kasaysayan.
Sa simula‘t simula pa‘y ipinunla na ng kalikasan ang isang ―organikong
kaisahan.‖ Katubigan…mga ilog at dagat, ang kumukupkop sa kalupaan dito sa
malayang daigdig ng kapuluan. Mula rito tumubo ang mumunting pamayanang uugit ng
salaysay ng mga bayan sa panahon ng sinaunang kabihasnan. Mahalaga ang kailugan
bilang tagpuan ng mga tao sa loob at labas ng kapuluan. Liliku-liko man ang mga ilog,
iisa pa rin ang lalagusan...ang malawak na karagatan. Kasabay ng daloy na ito ang samu‘t
saring galaw ng mga tao sa-laud at sa-raya.
Sa mga pampang ng ilog at baybay-dagat nagkikita-kita ang mga mga Iloko at
Igorot para sa palitan nila ng ginto at kumot o bahag. Tinawag na ―gold-trade‖ o
kalakalan ng ginto, ang mga Igorot ang nagmimina ng ginto, habang ang mga Iloko
naman ang nagpipino nito. Sila rin ang humahabi ng bahag at kumot ng mga Igorot.
Malaon na rin ang kalakalan ng tapayan mula Iloko hanggang Pangasinan at umaabot pa
nga hanggang Katagalugan. Ito ang ipinahihiwatig sa tala ni Morga noong 1609.
Gayundin ang kalakalan ng asin sa pagitan ng mga Ibaloi at mga Pangasinense.
Kinukuha naman ng mga Aeta ng Pinatubo ang kanilang banig sa mga Zambal. May
kani-kanila ring salaysay ng pakikipagkalakalan sa mga Itnsik at iba pang kalapit na
bayan sa Timog Silangang Asya ang mga grupo dito sa Luzon at Mindoro. Partikular na
sa mga Mangyan, noong dantaon 13 nabanggit sa Chu-Fan-Chi ni Chao Ju-Kua ang lugar
na ito bilang Mai, Min-to-lang, Mang-Yan San. Ang ―Mait‖ diumano ay lumang
salitang Intsik na ang ibig sabihin ay ginto. Sa Bikol, may natagpuang mga labi ng
Kapalayukang Kalanay na maituturing na katibayan ng maagang pakikipagkalakalan
nila sa mga taga-ibayong-dagat. Gayundin ang mga Kalinga at Ifugao sa hilagang Luzon.
Ang mga tapayan at pinggang seramiko mula sa Tsina kasama na ang ilan pang palamuti
gaya ng agate beads at mga gangsa/gangha ay nagsisilbing mabunying pamana at
batayan ng yaman at prestihiyo ng isang pamilya. . Pinasalimuot nito ang mga ugnayan
na humantong sa pagbubuo ng mga tinatawag na ―sambayanan o mga estadong bayan,‖
sa mga kataga ni Dr. Salazar. Sa konteksto ng kalakalan man o digmaan nagkaroon ng
mga bukluran o alyansa ang mga bayan-bayan. Tinawag itong kaharian, karajahan at
sultanato sa iba‘t ibang dako ng kapuluan. Sa mga tala ng kasaysayan, pinagsisimula ito
mula hk. 3002 ang itinatayang petsa ng balangay ng Butuan, hanggang 1588, ang
2
Ayon kay Ronquillo, walong (8) sinaunang bangka ang natuklasan sa site. Tatlo roon ay nahukay
na at prinepreserba ngayon ng Pambansang Museo. Isa ay nasira ng mga looters at apat pa ay in situ. Mahal
ang gastos sa pagpre-preserba kung kaya‘t di na hinukay pa ang huling apat. Narito ang mga petsa ng mga
6
sabwatang Kabungsuan at Soliman laban sa mga Espanyol. Anupa‘t sa panahong ito
naging tiyak at malinaw na ang mga ispesipikong katangian ng mga grupong
etnolinggwistiko. Ang mga kalinangang ―ili‖ sa hilagang Luzon, ―bayan‖ sa Gitnang
Pilipinas at ―banwa‖ sa Kabikulan ang kagyat na artikulasyong sosyo-kultural ng mga
nasabing kabuuan.
Sa daloy din ng ilog inuugat ng mga Pilipino ang kanilang pagkakakilanlan.
―Taga-laud‖ ang maitatawag sa sinumang nananahan malapit sa pababang bahagi
(downstream) o bukana nito. Nariyan ang mga Kapampangan, i.e. mula sa pampang.
Ang ―Tagalog,‖ ay dinaglat na taga-ilog. Taga-look naman ang Iloko, metatesis ng loko
ang look. Ang Apayao ay isang ilog gaya din ng Tineg na pinanggalingan ng salitang
Itneg—isa pa ring katawagan sa mga Isneg. Samantala, ―panag-asinan‖ o lugar kung saan
naroon ang asin—dito galing ang ―Pangasinan,‖ ang pangalan ng lugar at nang malaunan
ay ang ngalan na rin ng mga taong naninirahan dito. Ang Ibanag ay ―taga-banag—ibig
sabihin ay ilog din. Gayundin ang Itawes na nanggaling sa I, i.e. ―taga‖ o ―mga tao‖ at
―tawid‖—―mga taong tumawid sa ilog. ―Taga-daya‖ naman ang maitataguri sa mga
mamamayan sa interyor o malapit sa bundok. Gaya ng Iraya, na isang grupong
Mangyan. Ang Igorot ay taga-golod o golot na ang ibig sabihin ay mataas na bahagi o
bundok. Gaya rin ng tinggi na pinagbatayan ng salitang Tinggian. Ang Isinay naman ay
kaugnay ng katawagang Malaat na ang ibig sabihin ay mga tao mula sa kagubatan. Ang
lupain ng mga Isinay ay napaliligiran ng mga kagubatan at kabundukan. Ang Ituy ay
galing naman sa ―Tuy o Tue‖ na ngalan ng isang puno. Gayundin ang mga Ilongot, ―mga
tao ng kagubatan.‖ May iba pang Ilongot subgroup na Italon, mula sa salitang ―talon‖
na nangangahuluigang ilog. Sa hanay ng mga Aeta, Ibukid o Ebukid, ang isang
katawagan sa kanila kung naninirahan sila malapit sa kabundukan, i.e. malayo sa
kapatagan. Ang mga Dumagat ay mga Agtang nakabase sa dagat ng silangang Quezon,
Tanay at Bulacan. Mas pangkalahatan ang ibig sabihin ng katagang Ifugaw—taga
pugaw o pulo. Maaarin din daw itong “pugo” , i.e. burol (hill).
Sa ganitong paraan ng pagpapangalan sa kanilang sarili, kinikilala ng tao na siya
ay maliit na bahagi lamang ng sangkalikasan. Higit na nakapangyayari ito sa kanya.
Mapagpala at mapagkupkop ang sangkapuluan kung kaya‘t dapat siyang pahalagahan.
Ito ang dahilan kung bakit holistiko ang tingin ng tao sa uniberso. Mababanaag ito sa
mga katawagang ibinigay ng mga sinaunang Pilipino dito. Gaya halimbawa ng
―sansinukuban‖ o ―santinakpan.‖ Walang malinaw na hati sa pagitan ng daigdig na
espiritwal at materyal. Kung kaya‘t ang kadiyusan o kabanalan at sangkatauhan ay
laging pinag-uugnay. Mula noon hanggang ngayon, may sanlibo‘t sanlaksang ritwal para
papagtibayin ang nasabing ugnayan.
nahukay na specimen ng balanghai: 1) radiocarbon date na 1630 +- 110 taon o AD 320; ito ang specimen
ng tinawag nilang ―Balanghai One,‖ ang pinakamatandang specimen na kanilang nakuha; 2) 700 + - 90
taon o AD 1250; at 3) 960 + - 70 taon o AD 990. Ito ang specimen na tinatawag nilang ―Balanghai Five.‖
Mula sa Wilfredo Ronquillo (1991), ―The Butuan Archaeological Sites: Profound Implications for
Philippine and Southeast Asian Prehistory,‖ sa Rita Tan, Josefina Manahan, Edwin Bautista, Cynthia
Valdez at Allison Diem (eds), Chinese and Southeast Asian Greenwares. Oriental Society of the
Philippines, Makati.
7
Sapagkat patuloy na umaagos ang mga ilog walang patid ang ugnayan ng mga
tao. Taga-bundok o taga-patag man nagkakahugpung-hugpong ang kanilang pamumuhay
at kasaysayan. Batayang kabihasnan …ang taguri sa pagkakaugnay-ugnay na ito. Kaya‘t
sa kabila ng mga ispesipikong pagkakaiba-iba namamarali pa rin ang pagkakahawig
ng mga elementong kultural sa bawa‘t kalinangang bayan. Anu-ano ang mga
kalinangang ito?
Nariyan ang kalinangang Aeta, Bikol, Bontoc, Gaddang, Ibanag, Ibaloy, Ifugao,
Itawes, Ivatan, Isinay, Ilongot, Iloko, Kankana-ey, Kapampangan, Kalinga, Mangyan,
Tagalog, Pangasinan at Tinggian. Kung ano‘t anuman, lahat ng kalinangang ito ay hibla
ng kabuuang habi na kung tawagin natin ay kabihasnang pangkapuluan o pantubig– ito
ang uri ng pag-unlad na sumibol sa mundong Austronesyano na nakatatak sa ating
pagkatao.
Sa pangkalahatan, may dalawang pangunahing ikinabubuhay : pagsasaka at
pangingisda kasama ng iba‘t ibang industriyang ibinunsod ng mga ito. Pamamalayok,
paghahabi, paglalala ng basket, paglililok, paggawa ng bagoong, patis, suka at basi (alak
na gawa sa tubo, tuba (alak na gawa sa sasa o niyog ng timog Katagalugan) o tapuy (alak
na gawa sa bigas ng Kaigorotan).
Gaya rin ng tubig, hindi gaanoon katiyak (well-defined) ang mga hangganan ng
mga grupong ito. Walang iisang pulitikal na hangganan na naglilimita sa kanilang
pagkilos. Dahil nga ang dinamikong daloy ng ilog ang nagtatakda ng kanilang
kabuhayan, dinamiko rin ang kanilang galaw. At lalong nagiging artipisyal ang
pagkakaiba-iba sa bisa ng pagpapangasawahan, gaya halimbawa ng mga Iloko at
Gaddang ng Isabela. Sa kaso ng mga Iloko at Kankana-ey sa mga hangganan ng Ilocos
Sur at Mt. Province nakabuo ng grupong tinawag na Bag-o (Bagong Kristiyano).
Samantala, sa kaso naman ng mga Itawis at Ibanag, halos wala rin silang ipinag-iba.
Kapwa sila taga-patag na magsasaka ng Cagayan.
Napakahalaga, anupa‘t sentral sa mga lipunang ito ang mag-anak o kamag-
anakan –ang angkan. Sa kaso, halimbawa ng mga Isinay, hindi lamang ang mag-anak na
nukleyar ang bumubuo sa kabahayan, kundi ang iba pang kaanib ng pamilya gaya ng
lolo at lola, o mga tiyuhin at tiyahin. Gayun na lamang din ang respeto nila sa matatanda.
Sapagkat sila ang hinihingian ng payo at nagsisilbing batis ng kaalaman at karunungan
kung kaya sila ay inaaruga at kinakalinga. Sa mga Ifugao, ipinakikita rin ang mataas na
paggalang sa magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga kapasyahan.
Kung kaya‘t sa pag-aasawa, kadalasang ang mga magulang ang pumipili para sa kanilang
mga anak. Ganito rin sa mga Ilongot, ang sistema rin ng bilateral na kamag-anakan ang
malakas na umiiral sa mga ugnayang pantao. Ang konsepto ng apu –ay hindi lamang
ang magulang ng mga magulang; kundi pati na rin ang magulang ng asawa. Ang kasal
para sa kanila ay monogamo at pangmatagalan. Sa mga Kalinga, malaki ang papel ng
mga lolo‘t lola sa pag-aalaga ng bata dahil ang mga magulang ang nagtatrabaho sa bukid.
Sa unang 4 na taon walang gender differentiation sa gawain ng mga batang babae at
lalaki.
8
Ang ato ng Bontok at dap-ay ng Kankana-ey ay hindi lamang mga pultikal na
yunit na binubuo ng mga mag-anak. Sentro din ito ng mga gawaing relihiyoso sapagkat
dito isinasagawa ang mga ritwal ng komunidad. Kung gabi, nagsisilbi naman itong
tulugan ng kabinataan. Samantala, ang mga kadalagahan naman ay natutulog sa ulog.
Agamang naman ang tawag dito ng mga Ifugao.
Kung tutuusin, walang iisang absolutong pinuno sa mga lipunang ito. Bagama‘t
may datu ang sinaunang Tagalog, mayroon pa ring sanggunian ng katandaan na
pumapatnubay sa kanya sa anumang gawaing pampubliko. Sa ganang ito, masasabing
kolektibo ang pamunuan. Sa mga Iloko, mayroon silang panglakayen na kalipunan din
ng mga matatanda. Lalakay naman ang katumbas nito sa mga Kankana-ey, at amam-a
naman sa Bontoc. Sa kasalukuyan, bagama‘t may mga opisyal na ng barangay, kinikilala
pa rin ang bisa at mahalagang papel ng mga tradisyumal na pinuno. Halimbawa, sa
Sagada, Mt. Province, si Mayor ang kinikilalang nakatataas sa munisipyo. Pero
nilalapitan pa rin ng mga tao ang mga lalakay ng dap-ay sa mga usaping pambarangay.
Saan ka man pumunta mahilig ang Pinoy sa mga kasayahan. Likas na sa atin ang
pagiging masayahin. Laging nakangiti. Laging nagbibiro. Hindi mauubusan ng
pagdiriwang. May kapistahan ng mga pagkain, gaya ng ―Suman Festival‖ sa Bulacan at
―Lanzones festival‖ sa Laguna. Syempre pa, ang mabunying paggunita sa kaarawan ng
mga santo. At tampok sa mga ito ang iba‘t ibang uri ng paligsahan. Sa Pulilan, Bulacan,
may paligsahan ng kalaba na siyang nagpapatingkad sa pagdiriwang ng kapistahan ni San
Isidro Labrador. Kung tutuusin, ito ang pinaka-aabangan ng mga tao dahil sa higit na
kasiyahang idinudulot nito sa mga manonood. Singkulay ng pagdiriwang sa Banaue,
Ifugao ang mga kasuotang ginagamit ng kababaihan. Ipinuprusisyon sa ilog ang Birhen
ng Peñafrancia (Naga, Camarines Sur). Tanda pa rin ng pagkilala at pagbibigay-pugay
sa napakahalagang papel ng tubig sa buhay ng mga tao sa kapuluan. Kaugnay din ito ng
prusisyon ng Itim na Krus sa ilog ng Bocaue,Bulacan. Maging sa kapistahan ng Krus na
Itim sa Quiapo, tila ipinuprusisyon din sa tubig ang karo na nagmimistulang bangka at
hinihila sa pamamagitan ng lubid ng mga deboto. Hindi magkamayaw ang mga tao at
deboto mahipo lamang ang karo ng santo bilang paghihintay sa pagdating ng isang
himala: paggaling ng karamdaman, pag-ahon sa kahirapan at kung anu-ano pang biyaya.
Gayundin ang sidhi ng pamamanata sa Pakil, Laguna sa kanilang paggunita sa kaarawan
ng Birhen ng Turumba. Kasabay ng mga pagdiriwang ay ang pagganap sa dula ng
kanilang pananampalataya upang papagtibayan ang kaugnayan nila sa kabanalan, kapalit
ng ikagiginhawa ng kanilang kalooban at kabuhayan. Naghahampas-dugo ang mga
deboto upang bigyang-buhay ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo…isang
paraan ng pagpapadalisay ng kalooban upang muling makamtan ang biyaya ng
kalangitan. Sa Pampanga, tabad ang tawag sa taong gumagawa nito.
Sa`saliw ng taginting ng mga gangha ng Ifugao at gangsa ng mga Kalinga isinasayaw nila
ang pagpupugay sa mga kabanalan at kapangyarihan. Anupa‘t ang mga pagdiriwang
gaya ng canao ay pagkakataon din para sa pagpapatibay ng ugnayan hindi lamang sa
pagitan ng mga umili at ni Kabunyian/Lumawig, kundi pati na rin sa hanay ng mga tao
mismo. Anupa‘t isa ang canao bilang batayan ng pagpili sa isang pinuno. Sa mga bunyi
9
at kulay ng mga pagdiriwang… lahat ay nagkakaugnay-ugnay. Damang-dama ang diwa
ng pamayanan.
Samakatuwid, ang sayaw kadalasan ay bahagi ng ritwal. Makikita rin ang
ganitong katangian kahit pa sa mga na-Kristiyanisang lugar. May sayaw para magka-
anak sa bayan ng Obando, Bulacan. May mga sayaw ding mimetic, ginagaya ang galaw
ng hayop o batay sa trabaho, gaya ng itik-itik ng Pateros, maglalatik ng Quezon, pabirik
(gold panning) at pinuhag—pagkuha ng pulot pukyutan ng Bicol.
Maging sa mga disenyo ng sining, masisipat ang pagkakaugnay ng kaisipan
nating mga Pilipino dito sa Luzon at Mindoro. May geometric patterns sa headdress ng
mga Aeta, na makikita rin sa ikat ng mga Ifugao (Hilagang Luzon) at abel ng Iloko at
habi ng mga Isinay. Gayundin sa kanilang mga kabaong at kumot para sa patay.
May pagkakapare-pareho din ng disenyo sa katutubong arkitektura ng bahay.
“Isang bahay na humihinga‖—ani Rene Javellana, S.J. hinggil sa bahay-kubo. Gaano
man kahamak at kapayak ang hitsura nito sa mata ng modernisasyon, nananatili ang
bahay-kubo bilang ekspresyon ng kabihasaan ng mga taga-pulo sa pag-unawa ng
kanilang kapaligiran. Malayang pagpasok ng liwanag at pag-ikot ng hangin ang mga
pangunahing prinsipyong gumagabay sa arkitektura nito. Angkop na angkop sa isang
bayang maalinsangan subalit saganang-sagana sa ulan. Nagkakaiba-iba man ng laki o
taas, sa istruktura at kabuuang hitsura, halos magkakamukha ang faley/bale ng Ifugao,
bahay ng Tagalog at Tinggian; foruy/buloy/fuloy/phoyoy ng Kalinga; beyoy ng mga
Isinay; Afung ito sa Bontok, abong sa Pangasinan. May abong din ang Ifugao subalit
ito‘y isang pansamantalang tirahan lamang. …. Karaniwang isang tuloy-tuloy na
kuwadrado , walang partisyon; nakatayo sa apat na poste, may silong at hagdanan na
tinatanggal pagsapit ng gabi—pangontra sa mga magnanakaw. May batalan ang bahay
ng Tagalog at abong ng Pangasinense. At ang nakatutuwa, may gumagalang mga alagang
manok , baboy o aso sa ilalim nito. Sa silong din ginagawa ang iba pang gawain sa
bahay gaya ng pagtatahip o pagbabayo ng palay. Yari sa magagaang materyales na
madaling makuha sa paligid, gaya ng nipa, kawayan, kahoy, at cogon . Binubong o
kinataw naman ang tawag sa isang uri ng bahay ng mga Pinatubo Aeta. Mayroon din
silang hawong na isang simpleng lean-to.
Pawang mga panlipunang literatura ang mga katutubong panitikan. Hindi lamang
kinatha para mang-aliw kundi bilang salamin ng lipunan o tagapagpatibay ng mga
halagahing panlipunan. Isa na rito ang ambahan ng mga Hanunuong Mangyan. Ito ay
tula na gumagamit ng mga linyang tigpipitong pantig at may tugma ang mga huling
pantig. Inaawit din ito at pumapaksa sa lahat ng aspeto ng pamumuhay ng tao—sa siklo
ng kanyang buhay. Ginagamit diumano ito ng magulang sa pagtuturo sa kanilang anak; o
ng mga binata at kadalagahan sa pagliligawan. Sa mga grupong Buhid naman, urukay
10
ang bersyon nito. May ambahan din ang Bicol na isa namang awit na pang-aliw ( leisure
song).
Ang plautang pang-ilong (nose flute) ay isa sa pinakatanyag na instrumentong
pangmusika partikular na sa hanay ng mga grupong nasa kabundukan. Lantoy ito sa mga
Mangyan, kalaleng naman sa mga Bontok na ginagamit ng kalalakihan sa panliligaw.
Ang gangsa o mga flat gong ay karaniwan naman sa mga Kalinga, Ifugao at Bontoc ng
Kordilyera.
Wika ang pinakamataas na ekspresyon ng kalinangan ng bayan. Lahat ng wika
natin ay nagmula lamang sa isang inang wika, kung tawagin ay Austronesyano. Ayon sa
mga eksperto, humigit-kumulang sa 1,300 BK-hanggang 100 BK nagsanga-sanga ang
mga ito sa iba‘t ibang mga pangunahing wika na mayroon tayo ngayon. Tingnan ang
Talahanayan. Samakatuwid, magkakamag-anak ang lahat ng mga wika sa Pilipinas.
Ibig sabihin, makakamag-anak din ang mga kalinangang kanilang kinakatawan. Patunay
dito ang mga cognates:mga salitang magkapareho ng anyo at kahulugan. Magbigay tayo
ng ilang halimbawa. Ang ―dua‖ sa Iloko, ay ―dalawa‖ sa Tagalog. Ang ―faley‖ ng
Ifugao, ay ‖fayey‖ ng Bontoc, ‖balay sa Bicol,‖ ‖bahay‖ sa Tagalog, harong sa Bikol.
Ang balatong ay faratong sa Bontok; ang binyag ay funyag (Bontok) at bunyag naman sa
Iloko. Ang sisiw sa Tagalog ay siw-siw sa Isinay (Aritao). Ang matandang lalaki ay
lakay sa Kankana-ey at Iloko, lakayed naman sa Isinay (Bambang). Ang iclok ng Aritao
ay itlog ng Tagalog, , at kapag tumawid ng tulay mula Calumpit patungong Apalit
(Pampanga), ito‘y ebon—na sa Tagalog ay ibong lumilipad na. Ang ―mapait‖ sa Dupax
ay mapayit, at ang lansangan ay linsangan.
May catalonan ang mga Tagalog, manag-anito ang mga Pangasinense, alopogan
ang mga Tinggian, manigput ang mga Ilongot; mandadawak o mag-anito sa mga Kalinga
(na karaniwan ay babae). Mga ispesipikong katawagan ito sa katutubong pari na
gumagawa ng pag-aanito o mga ritwal. Anito ang katutubong pangkalahatang
katawagan sa espiritu maging ng mga ninuno o kalikasan. May mga ispesipiko pang
taguri ditto para sa iba‘t ibang grupong etnolinggwistiko depende sa partikular na
katangian nito. May tinatawag na pinnading sa mga Ibaloy gayundin sa Kalinga o
nowang ng Ifugao. May mga espiritung di-nakikita –di-kataotaoan ang tawag sa Iloko,
ari nga masingan naman ang tawag ng mga Ibanag. At dahil may espiritu, buhay at may
lakas ang lahat ng bagay, may mga anting-anting (Tagalog) o galing-galing (Ibanag) na
nagbibigay ng kakaibang kapangyarihan sa tao. Babuy at manok ang karaniwang
iniaalay sa anito.Ginagawa ang ritwal sa bahay ng datu o kaya‘y sa isang kubol na yari sa
kahoy at pawid –―simbahan” ang tawag ditto ng mga sinaunang Tagalog. Idinaraos ang
mga ritwal upang pagalingin ang maysakit, magkaroon ng masaganang ani o manalo sa
digmaan at basbasan ang pagtuntong ng isang tao sa isang yugto ng buhay. Sa mga
Tagalog, bukod sa mga catalonan, may iba pang nagtataglay ng kaakibang
kapangyarihan: mangagaway—nakapagpapagaling ng maysakit o nakapagdudulot ng
karamdaman; manyisalat –pinag-aaway ang mag-asawa upang hindi makapagtalik;
aswang—na lumilipad at kumakain ng laman ng tao; at iba pa. Naniniwala rin sila sa
kabilang buhay. Solad ang tawag sa pinupuntahan ng mga taong masasama.
11
Kaluwalhatian naman ang sa magigiting at nakagawa ng mabubuting bagay habang
nabubuhay. Sa lamay ng mga Kapampangan, ipinahihiwatig ang pagdadalamhati sa
pamagitan ng malakas na pagtangis kasabay ng pamanagulele o pagsasalaysay ng mga
nagawang kabutihan ng yumao. Tinatawag naman itong yokod sa Bikol. Humahagulgol
din ang mga Isinay sa lamay at pagkatapos ng libing ay nagsasagawa ng asiyam.
Pasiyam ito sa mga Tagalog, at pangadi naman sa mga Kapampangan. Duplo ang
tampok sa pagtatapos ng pasiyam ng una, bulaclacan naman ang nilalaro sa pangadi ng
huli. Ang ―kaluluwa‖ ng Tagalog ay kararua ng Iloko at Ibanag, kaelwa o kalola ng
Pinatubo Aeta; karadwa ng Mangyan.
Sa kabila ng sanlibo‘t sanlaksang mga anito, iisa pa rin ang pinaniniwalaang
Dakilang Lumikha. Siya si ―Bathala Meykapal‖ para sa mga Tagalog; ―Mahal na
Makaako‖ sa mga Mangayan; ―Ama-Gaoley‖ o ―Apo Laki‖ sa mga Pangasinense;
―Kabunyan‖ sa mga Kalinga, ―Lumawig‖ sa mga Ifugao, Bontoc at Kankana-ey; at
―Gugurang‖ sa mga Bikol. Kahit na ano pa man ang itinatawag sa kanya, iisa ang
pagtingin nila sa dakilang lumikha—mapagpala at mapagkupkop at hindi isang
kinatatakutang diyos. Nang tinanggap nila ang Kristiyanismo, para din lang binago nila
ang mga katawagan at ilang anyo ng sinaunang kapaniwalaan. Gaya ng ―Apo Dios ng
mga Iloko—pinagsama ang katutubong ―apo‖ at Espanyol na ―Diyos.‖ Nagpatuloy pa
rin ang mga katutubong kaugalian gaya ng pamamanata sa santo na dati‘y ginagawa sa
mga anito. Ang mga sinaunang piging at pagdiriwang ay singkulay at singsaya rin ng
mga fiesta. Anupa‘t karamihan ng mga ito ay masasabing Krinistiyanisa o
binautismuhang piging. Sa kapistahan ni San Isidro Labrador, mas tampok at inaabangan
ang paligsahan sa pagpapaluhod ng kalabaw. Iba naman ang bersyon ng karingalan nito
sa ―pahiyas‖ sa Quezon kung saan tampok ang makukulay na kiping na animo‘y mga
hiyas na bibitin-bitin sa mga kabahayan. At sa Obando, Bulacan, pinagdarayo ang
fertility dance na sa totoo lang ay mas nauna pa kaysa mga santong pinagsasayawan ng
mga deboto. Ang mga dating datu na nagpapasimuno ng mga piging ay nag-anyo
lamang bilang mga hermana/hermano mayor sa kapistahan. Ang simbahan ay naging
bato, subalit nanatili pa rin ang katawagan liban na lang sa nadagdag ang taguring
―katedral‖, ―kapilya,‖ ―iglesia‖ at ―chapel.‖ At bagamat ginaya ang kabuuang padron sa
arkitektura ng mga simbahan sa Europa, nakabuo tayo ng isang disenyong akma sa takbo
ng ating kaisipan at kapaligiran. Tinawag itong ―earthquake baroque‖ ng mga eksperto
subalit sa totoo lang Pinoy na Pinoy ang estilo. Gaya halimbawa ng mga simbahang
Iloko, …Nagpatuloy ang mga katutubong motif. May pinya sa fachada ng Katedral ng
Maynila. May araw na may mukha sa harapan ng simbahan ng Laoag, Ilocos Norte,
Gayundin sa Tumauini sa Cagayan. Sa katutubong kapaniwalaan, ang araw ay
kumakatawan kay Bathala bilang bukal ng buhay at lakas sa kalupaan. Kapansin-pansin
din ang mga nagsala-salabat na disenyo ng bulaklak at halaman sa pinto ng simbahan ng
San Agustin sa Intramuros. Mga detalyeng umaapila o hinalaw sa kamalayan at
kapaligirang Pilipino. Makikita rin ang kasalimuotan ng ganitong disenyo sa appliqué ng
mga Maranao, gayundin sa kanilang ukkir na pangunahing disenyo ng torogan; gayundin
sa palamuti sa kasuotan ng isang Kalinga, at pabalat ng pastilyas at mga burda ng
Katagalugan. Halaw ito sa yaman ng flora o kahalamanan sa ating kapuluan. At gaya rin
ng ilog, liliku-liko ito, nagsasala-salabat ang mga sanga, parang indayog ng ating
pananalita. Hindi rin tuluyang nawala ang mga epiko sa mga bayang na-Kristiyanisa.
12
Pinalitan lamang ito ng pag-awit ng pasyon o pabasa – ang kwento ng pagpapakasakit,
pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo—isa ring salaysay ng
pakikipagsapalaran at kabayanihan. Ang lahat ng ito bunga ng ating malikhaing
pagsasakatutubo o pag-aangkin ng mga impluwensyang dayo.
Bagama‘t binautismuhan ng mga frayle ang mga katutubo sa Kristiyanismo,
nagpatuloy at pumaloob ang anituismo sa mga prinsipyo ng bagong relihiyon, binigyan
ng bagong pakahulugan ayon sa sistema ng kapaniwalaan nating mga Pilipino, maging
ayon sa ideya natin ng mga kaganapan, bayani at pakikibaka para sa kalayaan. Hindi nga
ba‘t naisakatutubo ng mga kapatiran, halimbawa, ng Cofradia de San Jose, Santa Iglesia
ni Felipe Salvador, Watawat ng Lahi ng Lecheria, Calamba, ang Kristiyanismo at naging
wika ng kanilang ideolohiya ng pakikibaka. At sa simbahang Aglipayano sa Ilocos, ang
birheng Maria ay nakasuot ng baro‘t saya; habang ang batang si Hesus at Amang Jose ay
nakakamisa at nagsasaka. Nag-aatang pa rin ang mga Iloko bago mgpasimula ng kainan
sa anumang handaan. Sa Bikol ―atang‖ ang tawag sa isang sinaunang ritwal. At kung
magagawi sa ilang na lugar, uusal ng "Tabi po, maki-agi po." ―Tabi-tabi po‖ naman ito
sa Katagalugan. At may mga naglilibing pa rin sa kanilang bakuran sa ilang bahay sa
syudad ng Baguio. Kahit ang grupong Sapilada (bersyon ng Guardia de Honor, 1899-
1901) sa Barangay Taccong, Sagada, Mt. Province, si Hesukristo ay wala wing ikinaiba
kay Lumawig. Isa itong malikhaing kaparaanan ng mga umili upang patuloy na maigiit
ang kanilang pananaw-pandaigdig. Sa harap ng mga hamon ng Kristiyanismo sa
katutubong tradisyon ng mga tao, inangkin nila ang mga elemento nito upang makalikha
ng isang kondisyong tugma at akma pa rin sa kanilang mga karanasan: kalagayan at
pangangailangan.
Pagdating ng kolonyalismo hindi naputol ang mga nabanggit na ugnayan.
Halimbawa, nagpatuloy pa rin diumano ang kalakalang ginto sa pagitan ng mga Iloko at
Igorot. Anupa‘t pinahusay ng kalakalan sa panahong ito ang pakikipag-ugnayan ng mga
taga-hilagang Kalinga sa mga Ilokano at Tinguian. Ang mga taga-timog naman ay higit
na nakaugnay sa mga Bontoc at Ifugao at nagbunsod ito ng mga bodong at
pagpapangasawahan sa kanila.
Ang pandarayuhan ay isa ring mahalagang sangkap ng pagbubuo ng bansa. Likas
na sa atin ang paglalagalag at paglalayag. Ito ang pangunahing katangian ng mga
Austronesyano. Subalit, ang pandarayuhan ng mga taga-patag sa kabundukan at mga
kagiliran ay ibinunsod mismo ng kolonyalismo. Gaya halimbawa ng panagdappat ng
mga Iloko sa Cagayan, Pangasinan, Mt. Province, Isabela, at iba pang bahagi ng kapuluan
simula noong mga 1850s. Udyok ito ng komersyalisasyon ng agrikultura – o ang
pagtatanim ng mga cash crops upang tugunan ang pangangailangan ng mga kapitalistang
bansa sa Europa at Amerika. May politikal na agenda rin dito—bahagi ng taktikang
divide et empera ng mga mananakop. Alinsunod sa patakaran ng reduccion, inilipat ang
malaking komunidad ng mga Tagalog sa Cagayan. Sa panahon naman ng mga
Amerikano, hinikayat ng pamahalaan ang paninirahan ng mga Tagalog at Bisaya sa
Mindoro. Mga Amerikano rin ang nagpahintulot sa mabilis na pagpasok ng mga taga-
patag sa kabundukan at mga interyor sa pamamagitan ng paggawa ng mga kalsada at
pagbuhukas ng mga dalesdes (trails).
13
Isa paring hindi matatawarang ugnayan ay ang magkahugpong na karanasan ng
mga taga-patag at taga-bundok sa pakikibakang anti-kolonyal. Sa ganang ito, ang
kabundukan ay maghahain ng isang alternatibong pamayanan o lipunan sa umiiral na
kalakaran sa pueblo. Halimbawa, nagsilbing kanlungan o ilihan ang Kalinga ng mga
taga-patag mula sa Abra, Ilocos at Lambak ng Cagayan. Ang penomenon ng remontados
tulisanes, at cimarrones o mga muling namundok ang buhay na patunay ng pangyayaring
ang mga kabundukan sa hilagang Luzon man o sa Timog Katagalugan, ay takbuhan ng
mga naghahanap ng kalayaan at kaginhawahan. Kung kaya‘t sa tala ng isang dayuhang
manlalakbay na si Gironiere, ―Montes de la libertad‖ ang itinawag niya sa mga
kabundukan. Pagsapit ng ika-19 na dantaon, magkakaroon ng magkakapanabay na
pagkilos laban sa sentrong pueblo sa loob at labas mismo nito. Magrururok ang lahat ng
ito sa tinatawag na pambansang Himagsikan na bagama‘t nagsimula sa kapatagan ay
lalaganap naman sa iba‘t ibang dako ng kapuluan. Sa pagkakataong ito, muli na namang
masasaksihan ang mahalagang papel ng kabundukan bilang huling hantungan ng laban.,
partikular na nang simulan ni Aguinaldo ang paglulunsad ng digmaang gerilya. Anupa‘t
sa totoo lang, sa kabuuan ng kolonyalismong Espanyol, nasustena ang pagtutol sa mga
lugar na ito. Halimbawa sa Kaigorotan, bagama‘t nagtatag ng mga comandancia politico-
militar, hindi pa rin diumano natigil ang mga retalyasyon o kontra-pananalakay ng
katimugang Kalinga. Gayundin sa Ifugao at Apayao.
Marami pa, sanlibo‘t sanlaksa ang mga batayan ng ugnayan, at tayo lamang din
ang makapagpapatotoo nito batay na rin sa sari-sarili nating danas. Ang kailangan
lamang ay buksan ang ating kaisipan, pataasin ang ating kamalayan sa mga ito.
Pahimakas
Muli, kapwa likas at likha ang mga batayan ng ―organikong kaisahan.‖ Hindi
lamang udyok ng kapaligiran ang pagkakaugnay-ugnay. Bunga rin ito ng mapagpasyang
pagkilos ng mga tao sa patuloy nilang paglikha sa sarili. Habang nililikha ng tao ang
sarili, sumusulong din ang kaniyang pamayanan. Sa kanyang pagpapakatao, napipino
ang kanyang asal, gawi, kilos at isipan. At sa pagtatagpu-tagpo ng mga taong
―nagpapaka‖ nagkaroon ng matatawag nating ―kabuuang kultural.‖
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa lalim ng dalumat ng ―ili‖, ―bayan‖ at ―banwa‖
mapalalaya natin ang mga grupong-etnolinggwistiko sa piitang nilikha ng mga
pamamansag at pagpapangalang (labeling) ibinigay ng mga kolonisador. At saka lamang
natin lubos na mauunawaan ang mga batayan ng pagbubuo ng bansa. Kailangan din ang
malay na pag-uugnay-ugnay natin sa pamamagitan ng pag-aaral ng kasaysayang etniko
tampok ang mahahalagang punto:
Una, ang mga kalinangang bayan ng iba‘t ibang grupo sa Pilipinas ay
magkakapantay. Walang dapat tanghaling superyor o dominanteng
kultura. Sapagkat kung may nangingibabaw may sumasailalim.
14
Pakaisipin nating ang lahat ng mga kalinangang ito‘y bunga ng malikhaing
pagtugon ng mga tao sa mga hamon ng kanilang kapaligiran. Kung
gayon, ang mga kalinangang baying ito ang haligi ng kaganapan o
kabihasnan ng taumbayan.
Ikalawa, ang mga kalinangan sa kapatagan man o kabundukan, sa
itinakdang ―sentro‖ o ―kagiliran‖ ay magkakapanabay na sumusulong at
umuunlad sa kabuuang daloy ng proseso ng pagsasabansa. Walang
istatikong kultura.
Ikatlo, ang mga kalinangang ito ay hindi talaga sadyang magkakaiba,
bagkus ay magkakaugnay at nagtatalaban. Patuloy ang pag-uugnayan
(pagtatagpo, pagniniig at pagsasanib), sa bisa ng
pandaryuhan/paglalakbay, pagpapangasawahan/kamag-anakan,
pakikipagkalakalan, pagtutunggalian at pagsasaayos ng mga salungatan sa
agos ng kasaysayan.
Ikaapat, sa mga bayan, ili at banwa makakatas ang diwa ng kabansaan.